Umaabot sa 500 katao, na binubuo ng mga residente at lokal na pamahalaan ng Taytay, Palawan ang aktibong lumahok sa International Coastal Clean-Up day 2022, sa kabila ng masamang panahon noong Sabado, ika-17 ng Setyembre.
Batay sa isinasaad ng Presidential Proclamation No. 470 na nilagdaan noong 2003, ang ikatlong Sabado ng Setyembre ng bawat taon ay idineklara bilang International Coastal Clean-up (ICC).
Ang international coastal clean-up day ngayong taon ay may temang “Fighting for Trash-Free Seas Pinas!”, na kung saan ang aktibidad ay pinangunahan naman ng mga ahensiyang nakatutok para ditto katulad ng DENR CENRO Taytay-El Nido, katuwang ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Municipal Tourism Development and Management Office (MTDO) ng Lokal na Pamahalaan ng Taytay, at Pamahalaang Barangay ng Poblacion, Taytay, Palawan.
Nakiisa rin ang mga sangay sa Lokal na Pamahalaan, mula sa mga kawani ng DENR, mga barangay officials ng Poblacion, mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Taytay, mga kinatawan ng Bureau Fire Protection, Philippine Coast Guard, Bureau of Jail Management and Penology, at 401ST B MC, Regional Mobile Force Battalion, mga guro at estudyante ng PSU-Taytay, WPU Canique, JAES, CTNHS, at San Brendan College Inc.
Naging layunin ng international coastal clean-up activity ay ang linisin ang mga dalampasigan at karagatan upang maigtin`g na mahimok nito ang mga mamamayan na iwasan ang pagtatapon ng anumang uri ng basura sa mga baybayin, dagat, ilog, sapa, at iba pa.
Kasabay nito, patuloy ang kampanya ng DENR CENRO Taytay-El Nido tungkol sa pag-iwas sa paggamit ng single-use plastic, dahil na rin sa naging kapansin- pansin sa datos na kanilang inihain na karamihan ng basura na nakukuha sa dalampasigan ay plastic o itong mga single-use plastic (SUP).
Ipinagbabawal ang paggamit ng SUP gaya ng styrofoam, sando bags, plastic cups, drinking straws, coffee stirrers, spoons, forks, at maging ang caterers at vendors ay hindi pinapayagan na mag-deliver ng pagkain na nakalagay sa styrofoam dahil magmumulta ito ng P100.00 pati ang nag-order.
Kaugnay niyan, ang CENRO ay may polisiya sa pagbawas ng paggamit ng single-use plastic o ang Office Memorandum Order No. 2022-001 “Solid Wastes Minimization and Management Policies of CENRO Taytay, Palawan”.
Pinaigting rin ng MENRO ang pagpapatupad ng Municipal Ordinance No. 132-A-2014 o ” An ordinance Prohibiting the Use of Plastic Bags on Dry Goods, regulating its Utilization on Wet Goods and Prohibiting the Use of Styrofoam within the Municipality of Taytay, Palawan,”.
Idagdag pa sa layunin ng paglilinis sa mga dalampasigan ay upang maitaas ang antas ng kamalayan ng mga mamamayan sa pangangalaga ng kalikasan, at kapaligiran at huwag nang lumala pa ang mga nararanasang problema hinggil dito.
Sa bayan ng Taytay, naging prayoridad ng aktibidad na linisin ang baybayin na nasa 1.3 kilometro sa paligid ng Fuerza de Sta. Isabel o kuta ng mga karatig na pook dahil isa ito sa mga dinarayo na landmark na naging pamoso na sa mga lokal at dayuhang turistang dumarayo sa nabanggit na bayan.
Discussion about this post