Target umano ng mga opisyal ng bayan ng Kalayaan na makalipat sa ipinatayong Municipal Hall Building sa Barangay Berong, Quezon, Palawan, ngayong Oktubre 2026.
Sa isang mensahe na ipinadala sa mga lokal na mamamahayag noong Pebrero 14, sinabe ni Kalayaan Municipal Vice Mayor Maurice Philipp Albayda na kasalukuyang isinasagawa ang procurement ng mga kagamitan, kabilang ang karagdagang solar power unit para sa mga naipatayong gusali sa Berong, dahil wala pa umanong suplay ng kuryente doon.
“Ang plan po, October 2026, simula na po mag-transfer. Ongoing po procurement ng additional solar power po. Wala pa po kasing kuryente doon. Pati narin po pabahay or dormitoryu para po sa mga kawani,” saad ni Albayda.
Ayon pa sa Bise Alkalde, sinimulang ipatayo ang Municipal building noong taong 2015 at natapos lamang noong taong 2024. Bagama’t may naipatayo ng dormitoryo para sa mga opisyal, ikinokonsidera pa rin umano ang pagpapalawak nito dahil hindi praktikal ang pagrerenta.
“May existing na din po. Dadagdagan nalang po. We acknowledge the impracticality of renting po. Matagal na dapat nakalipat ng Berong,” dagdag niya pa.
Paunti-unti na rin umanong nagsasagawa ng sesyon sa kanilang Municipal Hall.
“Yes po. As a start, kaya po ginawa namin mag session dun at least once a month po. Beginning this January.”
DALAS NANG PAGBISITA SA PAG-ASA ISLAND
Sa tanong kung gaano kadalas nga ba magtungo ang mga opisyal sa Pag-asa Island, sinabi ni Albayda na nakadepende ito sa availability nang masasakyan kaya hindi umano matukoy ang eksaktong bilang nang kanilang pagbisita sa naturang isla.
“Depends on the availability ng masasakyan po. Lalo nakadepende po sa availability na p[u]w[e]de po sumakay sa mga flights or byahe ng PCG (Philippine Coast Guard) po. Walang pong regular na transportation kaya hindi po usually ma-measure ang frequency.”
Nasira rin umano ang kanilang bangkang ML Kalayaan matapos itong gamitan ng water cannon ng barko ng China Coast Guard noong 2023 habang nasa isang misyon. Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsasaayos sa naturang bangka at target itong magamit sa pagitan ng Marso at Abril.
Kamakailan lang, naging isyu ang pag-oopisina ng mga opisyal sa nirentahan nitong extension office sa Brgy. San Jose kung saan isa si Konsehal Elgin Damasco sa mga pumuna sa hakbang na ito.
Para sa konsehal, nararapat umanong personal na nanunungkulan sa mismong isla sina Albayda, lalo na’t ang Pag-asa Island ang itinuturing na “Seat of Government” ng Municipality of Kalayaan.
“Saan ito? Sa Pag-asa Island ba ito [?] na ayon sa batas siyang seat of government ng Municipality of Kalayaan?” saad sa post ni Damasco noong Pebrero 13 matapos personal na puntahan sa Brgy. Berong ang ipinatayong Municipal Hall.
Samantala, noong Pebrero 16, personal na binisita ni Damasco ang opisina ni Mayor Beltzasar Alindogan upang makausap ito at malinawan sa mga isyung ibinabato sa mga opisyal.














