Pinabulaanan ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Area IV Manager Mohammad Naga Rascal ang mga haka-haka na may naging alitan umano sila nang pinaslang na si dating acting airport manager Joana Jonson-Infante.
Sa isang panayam ni Konsehal Elgin Damasco kay Rascal noong Pebrero 19, mariin nitong kinondena ang nangyareng pamamaril sa Human Resource Officer ng nasabing paliparan at sinabing hinihintay nila ang pinal na ulat mula sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
“Unang-una po sa nangyare na ‘yan, it is a riding in tandem na hindi natin…it is already on going po ang investigation dyan. Yon po ang masasabe ko. We are waiting to the final [report] kasi sa labas na yan ng CAAP.”
Nilinaw din niya ang naging posisyon ni Infante, at sinabing natapos na ang panunungkulan nito bilang Acting Airport Manager noong Disyembre 31. Aniya, ang kasalukuyang posisyon na lamang nito ay Area IV Human Resource at Administrative Officer II.
“Actually, ako ang naglagay sa kaniya [bilang] Acting Airport Manager last year. So, ang nangyare doon ang expiration niya ay December 31. So, nung na-expire, nung nag flag retreat kami, siya [Infante] ang nagsabi na tapos na ang [posisyon] niya as acting manager.”
Saad niya pa, si Infante rin umano ang nagmungkahi na italaga na lamang siya bilang HR ng Area IV at gawing HR ng Puerto Princesa International Airport ang kaniyang assistant, na agad naman inaprubahan ni Rascal.
“Siya pa ang nagsabe sa akin na ‘Sir, gawin mo na lang akong HR sa area tapos ‘yung assistant ko gawin mo na lang HR ng Puerto Princesa [International Airport].’ Sabe ko, ‘go’, binigyan ko nang order siya,” pahayag niya pa.
Nang tanungin ni Damasco kung nagkaroon ba sila ng personal na alitan ni Infante, tahasang sinabi ni Rascal na walang silang naging samaan ng loob at lahat umano nang kahilingan nito kaugnay sa operasyon sa paliparan ay agad namang inaaprubahan ni Rascal.
“Wala po kaming personal na alitan.”
“Sa lahat ng request niya ‘yung mga secretary ko pinipirmahan ko.”
“Ramadan ngayon, I swear to God. Sa Ramadan ngayon it is the time of forgiveness,” dagdag niya pa.
Kaugnay naman ng mga alegasyon ng anomalya sa paliparan, sinabi ni Rascal na wala silang naitalang anumang iregularidad sa operasyon at mga proyekto. Aniya, lahat ng proyekto ay dumaraan sa tamang proseso sa ilalim ng Bids and Awards Committee (BAC).
“Pero yung mga allegation na mga anomalya ay so far naman, nandito si…as chief of engineering na wala namang mga anomalya na nag-iiwan dito. Lahat po ng project dito dumadaan po sa BAC ang chairman po si Atty…”
Nanawagan din ito sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon na tigilan na umano ito at hintayin na lamang resulta ng imbestigasyon.
“Sa mga ganiyan na mga isyu, sana po tigilan nila ‘yan. Hindi maganda yung ganiyan parang nilalagay nila…investigation is still ongoing yan po ang hintayin natin.”
Nagpaabot din si Rascal ng pakikiramay sa pamilya ng biktima at nanawagan na mabigyan ng agarang hustisya ang krimen.
“Mabigyan po ng hustisya po [at] kung sino gumawa niyan sana mahuli na yan.”
Matatandan na nito lang Miyerkules ng hapon ay walang awang pinagbabaril si Infante sa Bayview Road, Barangay San Pedro. Naisugod pa ang biktima sa ospital ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay.














