Nagdulot ng pangamba sa ilang residente sa Bayan ng El Nido ang mga hindi agad nasundong mga Locally Stranded Individual (LSI) na dumating sa nasabing munisipyo kahapon.
Sa ipinaabot na impormasyon sa Palawan Daily News (PDN) ng isang concerned citizen, naiwan sa pier sa kanilang bayan ang tatlong indibidwal na napag-alamang mag-ina at isang babae.
Ayon pa sa nagbahagi ng impormasyon, nagkaroon ng takot ang ilang mamamayan sa nasabing sitwasyon na gabi na ay hindi pa nasusundo ang nasabing mga LSIs ng mga nakatalagang ahensiya ng El Nido na makalipas ang ilang oras ay nakita pa silang “palakad-lakad” sa pier area ng kanilang lugar.
Ang mga dumating na mga indibidwal ay mga lehitimong mga residente ng El Nido na nanggaling umano sa Mindoro at nakabalik sa munisipyo sakay ng Coast Guard boat ngunit gabi na ay hindi pa sila sinusundo sa pier gayung ang mga kasabay nilang mga taga-sur ay naihatid na.
Sa pakikipag-ugnayan naman ng PDN sa lokal na pamahalaan ng El Nido, ipinaliwanag nilang natagalang sunduin ang naturang mga indibidwal sapagkat iyon ay “uncoordinated trip” mula Mindoro via Coron-El Nido kaya inihanda pa ang kanilang tutuluyang quarantine facility.
“Twelve noon nang dumating po sila from Coron to El Nido. Hinold po muna sila sa seaport kasi LSIs sila from outside Palawan. Nag-set-up po [muna] ang team ng Emergency Operation Center (EOC) ng El Nido para i-test sila via Rapid Test,” ayon naman sa Public Information Office for COVID-19 ng El Nido na si Kurt Michael Acosta sa pamamagitan ng text message.
Alinsunod sa protocol, bandang 2:30 pm nang isagawa ng mga tauhan ng EOC ang testing ukol sa COVID-19 via Rapid Diagnostic Test sa mga dumating na LSIs at pagsapit ng 3:10 pm, nang malamang negatibo ang resulta ng lahat ng mga dumating, pinauna nang pinabiyahe ang mula sa southern Palawan.
“Yung sa mga residente ng El Nido po, hinold muna sa port kasi inayos pa namin ang quarantine facility na tutuluyan nila. Puno po kasi kanina (kahapon) ang quarantine facility ng El Nido. Mabuti na lang po, mayroon nang ready for discharge upon completion ng quarantine period nila. Dahil nga po, uncoordinated ang trip [nila], hindi kaagad namin sila ma-coordinate sa quarantine facility kaya po na-hold sila sa port for 2 ½ hours,” ani Acosta.
Maliban pa umano rito, mayroon pang isinasagawang disinfection process ang Municipal Health Office (MHO) bago papayagang i-accommodate ang mga bagong mag-a-undergo ng quarantine.
“[Around] 5:40 [pm] palang po na-ready ang room at sinundo na kaagad sila sa seaport kung saan sila hinold with Coast Guard Station-El Nido,” pagtitiyak pa ng Spokesperson for COVID-19 ng lokal na pamahalaan ng El Nido.
Discussion about this post