Binigyang-diin ng kura paroko ng La Immaculada Concepcion sa Bayan ng Culion, Palawan na mas higit na dapat pagtuunan ng pansin ng Provincial Government ang pagtugon sa anunsiyo ng United Nations (UN) ukol sa Global Food Emergency.
Ayon kay Rev. Fr. Roderick Caabay, isa sa mga lumiham sa Comelec at miyembro ng One Palawan Movement, sa halip na unahin ng Pamahalaang Panlalawigan ang plebesito ngayong panahon ng pandemya ay aksyunan muna na makahanap ng malaking pondo upang maibsan ang krisis dulot ng COVID-19 at bilang paghahanda na rin sa sinasabing pandaigdigang krisis sa pagkain.
“They (UN) are telling us to prepare for the Global Food Emergency. Mayamang bansa ka, mahirap na bansa ka, magkukulang ang supply, magkakagutom. Ibig sabihin no’n, kahit marami kang pera kung wala kang mabibiling pagkain, di mo masasaing ang pera mo, hindi mo masigang ang pagkain mo” pahayag ni Rev. Fr. Caabay na isa sa mga nakilahok sa online press conference ng grupong One Palawan Movement kahapon.
Aniya, ang nasabing impormasyon ay inanunsiyo ng UN noong nakaraang buwan na makararanasan ng mahirap man o mayamang bansa dahil na rin sa kakulangan ng produkto mula sa pagtatanim at pangingisda dulot ng ipinatupad na quarantine at ang pahirapan sa pagbyahe ng mga produkto.
“Ang probinsiya, dapat nag-iisip kung paano makalilikom ng malaking pondo para sa COVID-19…at sa incoming Global Food Emergency. Ang P80 milyon na iyon, kung isang araw lang ‘yan gagastusin [sa plebesito] malaking tulong [na] po [sana] ‘yan para sa ating mga mamamayan; at ang counterparts ng mga LGUs, ay sayang pa ‘yon! Kailangang gamitin ‘yon at ma-resolve natin ang problema po sa paglaganap ng COVID-19 dito sa ating Lalawigan ng Palawan,” ani rev. Fr. Caabay.
Aniya, ang pokus dapat sa ngayon ay kung paano makaaahon sa epektong dala ng COVID-19 at survival ng tao ngayong tagutom lalo na dahil marami ang nawalan ng trabaho at naapektuhang hanapbuhay.
Inihalimbawa ng nasabing parish priest na kung noon, ang isda sa Culion ay naibebenta sa halagang P120 ang kada kilo, sa ngayon ay bumaba na ito sa P30 hanggang P40 na lamang.
Ang nabanggit na mga argumento, ani Fr. Caabay ay bahagi ng laman ng kanyang ipinadalang liham sa tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) na gaya ng ibang mga indibidwal at grupo ay humihiling sa Komisyon na ipagpaliban muna ang nakatakdang plebesito hinggil sa paghahati ng Palawan sa tatlong probinsiya.
Isa rin sa kanyang mga katanungan, kung itutuloy ngayon ang botohan sa paghahati sa probinsiya ay paano makaboboto ang mga 21 taong gulang pababa at ang 60 anyos pataas na sa ilalim ng MGCQ ay hindi pa rin pwedeng lumabas. Kaya, aniya, kapag itinuloy ang naturang aktibidad at hindi sila makaboboto ay malinaw iyong pagkitil sa karapatan nilang makilahok sa botohan.
Sa ngayon, gaya ng mga naunang pahayag ng Apostoliko Bikaryato ng Taytay, ang mga kaparian sa norte ng Palawan ay patuloy ang kampanya sa “No to Division of Palawan” dahil sa tatlong mali umano nilang nakita.
Una umano, sa nabanggit na nabagong hatian ng pambansang-yaman ay hindi pabor sa mga munisipyo at barangay na nangunguna sa pagtugon sa mga mamamayan, ikalawa, walang ginawang konsultasyon ang panig ng Kapitolyo bago maisabatas ang RA 11295 na pinatotohanan umano ng mga nakausap nilang mamamayan at hindi nila alam ang bentahe at pagkalugi kapag natuloy ang nasabing hakbang at ikatlo ay wala talaga itong scientific study pagdating sa impact sa ekonomiya, sa lipunan at kalikasan.
“At sa tingin natin, kapag walang masusing pag-aaral and we are just pushing things na ma-divide [ang [Palawan] without a scientific study, ang unang masasalauli po riyan talaga ay ang kalikasan ng Palawan at kapag nasira ang kalikasan, ewan ko kung may mga turista pang mga darating sa atin,” giit niya.
Dagdag pa ni Fr. Caabay, ang mga bagay na iyon ang napakahalaga na dapat inaaral nang husto—ano ang mga impact nito upang nang sa gayon sana ay magiging matalino ang desisyon ng lahat at hindi pabugso-bugso. Hindi lamang umano dapat basehan ang anumang desisyon sa kagustuhan ng mga pulitiko na magkaroon ng maraming pwesto kapag na-divide ang Palawan kundi dapat ay iniisip talaga ang tunay na kapakanan ng mga Palaweño.
“The Church keeps doing its part na ma-inform ang mga tao at para sa ‘No to Division of Palawan’ kasi ang tingin namin ngayon, ang division ay hindi para sa mga Palaweño kundi para sa mga pulitiko at sa kanilang mga negosyo,” walang paligoy-ligoy na tinuran ni Fr. Caabay.
“Sa lebel ng kaparian ng Palawan, ang mahalaga sa amin is speaking the truth—whether manalo o matalo, ang mahalaga sa amin, we cannot be blamed because we have shared our stand na ang puso ng mga pari natin ay puso para sa mga Palawenyo na ang simbahan ay hindi tumahimik [bagkus] nagsalita kung ano ang totoo—ito man, matalo o manalo, ito ang mahalaga sa amin,” pagbibigay-diin niya.
Aniya, patuloy na magsasalita ng katotohanan ang Simbahan at patuloy din nitong gagawin ang pagiging pastol ng sambayanan—ang pag-iingat ng sambayanan at paglilingkod sa sambayanan para sa ikabubuti ng nakararaming mga Palaweño. Apela niya sa lahat na sabay-sabay na ihayag ang saloobin at huwag matakot na ipaglaban ang mga karapatan para sa mas maunlad na Lalawigan ng Palawan.
“At ang tingin ko, matapos ang plebesito, the Church will continue to be a critical voice—magsasalita [kung] ano ang totoo, ano ang tamang direksyon, ano ang naayon sa salita ng Dios at sa pangkalahatang kabutihan. No one, nobody can prevent us from speaking, from voicing out the truth,” may diin pang komento ng Parish Priest ng La Immaculada Concepcion sa Bayan ng Culion sa Apostoliko Bikaryato ng Taytay.
Discussion about this post