Patuloy ang paulit-ulit na brownout sa iba’t-ibang parte ng Palawan sa gitna ng tag-init dahil sa umano’y technical na problema na kinahaharap ng pamunuan ng Palawan Electric Cooperative o PALECO.
Ayon sa mga residente at negosyante sa lalawigan, ang kawalan ng kuryente ay nakakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na gawain at negosyo.
Ang PALECO ay naging malaking isyu dahil sa hindi nila nabigyan ng sapat na suplay ng kuryente ang kanilang mga konsumer nitong nagdaang mga linggo.
Nang tanungin ng Palawan Daily ang PALECO kung sapat ba o kulang ang suplay ng kuryente sa probinsya, sinabi ng mga ito na hindi kakulangan sa supply kundi mga problemang teknikal na umano ang nagiging sanhi ng kalimitang pagkawala ng kuryente.
Dahil dito, nabubulabog ang operasyon ng mga negosyo at establishmento sa probinsiya, lalo na ngayong tag-init kung saan malaki ang pangangailangan sa kuryente upang mapanatili ang tamang temperatura sa mga opisina.
Maraming residente ang nagreklamo na hindi makatulog ng maayos dahil sa init at hirap sa paghinga, lalo na sa mga lugar na walang sapat na bentilasyon.
Bukod pa dito, ang mga ospital at mga pasyente ay apektado rim sa kakulangan ng kuryente, kabilang na dito ang mga nagpapagamot ng mga sakit na kailangan ng tamang klima upang mapanatili ang kalagayan ng pasyente.
Ang sitwasyon ay nagdulot rin matinding problema l sa industriya ng turismo sa lalawigan. Ang mga turista ay nagreklamo ng mga kawalan ng kuryente sa kanilang mga hotel at resort, lalo na sa mga lugar na nagpapakita ng ganda ng kalikasan.
Sinabi naman ng PALECO na kasalukuyang ginagawan nila ito ng paraan upang masolusyunan.
“The problem po right now ay technical problems.Sa supply po, nagkakaroon ng pagkukulang kapag may sira ang mga makina ng mga IPPs po natin or de-rated po ang power na nabinigay ng mga makina nila. Ang management po ng PALECO ay continuous po ang pakikipag ugnayan sa mga IPPs para po masolusyunan ito,” ayon sa PALECO.
“We requested po na taasan ang kanilang capacity. We understand po where you are coming from. Rest assured po na sa part ni PALECO, we are doing our best na puwede namin gawin. However, hindi po namin hawak ang mga planta kapag sila po ay nagkakaroon ng technical problems katulad ngayon,” dagdag nito.
Hindi naman ito naiwasan ng mga residente dahil kailangan pa rin nilang maghintay ng matagal bago maibalik ang kuryente sa kanilang lugar.
“Patay-sindi! Sa amin dalawang beses na ngayong araw pa lang. Isang buwan ng ganito na araw-araw brown out tapos ang bill namin P3,306 eh ang pinakamataas na bill ko dito dati P2,100 lang,” ayon sa isang konsumer sa Barangay Santa Monica.
Nagdulot ng pagkabahala ang paulit-ulit na brownout na patuloy na nangyayari sa Palawan, at ito ay maaaring magpatuloy pa sa mga susunod na linggo kung hindi maiibsan agad ng mga awtoridad na may kinalaman sa distribusyon ng kuryente.
Ipinapaalala rin ng mga eksperto na mahalaga ang pagpapalawig ng iba’t-ibang uri ng alternatibong pinagkukunan ng enerhiya upang maiwasan ang ganitong sitwasyon.
Ang mga residente at negosyante ay patuloy na umaasa sa agarang solusyon sa problema upang mapanatili ang kanilang normal na buhay at operasyon.
Discussion about this post