Nananawagan ngayon ang hepe ng Narra Municipal Police Station (MPS) na si PMaj. Romerico Remo sa mga mamamayan na makipagtulungan sa PNP, lalo na sa pagkalap ng karagdagang ebidensya para makilala ang mga suspek sa pagpatay sa abogadong si Eric Jay Magcamit.
“Sa lahat po ng dumaan sa lugar na ‘yon noong time na ‘yon, lalong-lalo na sa van at ‘yong truck na baka may dash cam po ‘yong mga sasakyan, makipag-ugnayan lamang po kayo sa himpilan ng pulisya ng Narra nang sa ganoon po makatulong kayo sa ginagawang imbestigasyon,” ani Remo.
Ayon kay Remo, mayroon na silang kopya ng dash cam footage mula sa sasakyan ni Atty. Magcamit na kasalukuyang dumadaan sa cross matching.
“Kasalukuyang nag-cross-matching lalong-lalo na [at] nakuha natin ‘yong dash cam, para ma-identify natin kung sinuman ang mga suspek,” pahayag ni Remo.
Dagdag pa ng opisyal na bagama’t may mga nakukuha na silang mga posibleng motibo sa pagpatay, ngunit masusing pinag-aaralan pa rin ng PNP kung ano talaga ang totoong dahilan sa likod ng krimen.
“Sa ngayon po talaga, sinisuguro muna natin ang mga motibo, bagama’t may mga nakukuha na tayong impormasyon. Bagama’t [ang mga suspek ay] clear sa dash cam, pero nangangalap pa rin tayo ng CCTV sa mga establishment o barangay. ‘Yong iba, nakakuha na po tayo,” karagdagang pahayag ni Remo.
Matatandaang bandang 7 am noong November 17, 2020, habang minamaneho ni Atty. Magcamit ang Toyota Innova at binabagtas ang Narra, Palawan ay hinarang ito ng dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek. Nang bumaba umano ang biktima sa kaniyang sasakyan ay dito na pinagbabaril ang biktima.
Discussion about this post