Anim na buwan na ang nakalilipas nang bigla na lamang natunaw ang mga tanim na seaweeds sa mga munisipyo sa Palawan. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin umano sila lubos na nakakabawi.
Isa sa mga labis na naapektuhan ng pagkatunaw ng seaweeds ay ang Bayan ng Roxas na ang pinakamalawak na seaweed farming area ay ang Sitio Green Island sa Brgy. Tumarbong.
“Sa ngayon po, sira pa rin po ang seaweeds; ‘di pa rin bumalik sa dati ang tubo. Mayro’n [naman] pong bagong variety na ibinigay [sa aming grupo]. Okay naman po ang tubo, matagal [lang] po maparami kasi kaunti lang po ang ibinigay [sa amin] pero okay naman po kasi [kahit paano] mayro’n kahit kaunti,” pahayag ni Jebrel Ompad, presidente ng Green Island Fisherfolks Association (GIFA), sa pamamagitan ng text message.
Hinaing pa niya, hindi rin niya matiyak kung magtutuloy-tuloy din ang tubo ng mga bigay sa kanilang bagong seedlings ng seaweeds.
Sinubukan din naman umano niyang magtanim ng mga dating tinatanim na variety ng seaweeds, ang red seaweeds (Kappaphycus alvarezii) na kilala rin sa lokal na tawag na Giant Tambalang at Vanguard, ngunit hindi rin umano tumagal.
“Binabalikan ng sakit, kagaya kasi ng tanim ko dumami na sana umabot na ng 70 groups, no’ng nakaraan nag-ice-ice na naman kaya kaunti na lang naiwan; lugi sa gastos,” hinaing pa ni Ompad.
Bunsod ng malawak na pinsala sa nasabing pananim ay naghanap na lamang ng ibang mapagkakakitaan ang mga manananim ng seaweeds sa kanilang lugar gaya ng pangingisda at panghuhuli ng pugita.
Ani Ompad, Enero 21 ngayong taon nang ipamahagi sa kanila ng mga kinauukulan ang 38 kilo ng apat (4) na variety ng seaweeds gaya ng (Kappaphycus striatum) Sakol Orange, Sakol Green at ang Eucheuma spinosum, at Eucheuma cottonii ngunit tanging ang cottonii at spinosum lamang umano ang dumami.
“Ako lang po ang nagtanim kasi kaunti lang. Sa ngayon po, medyo madami-dami na rin kaya lang matagal [dumami]. ‘Pag marami na po, pwede na po ipakalat [sa ibang miyembro ng GIFA] para po dumami,” dagdag pa niya.
Sa kabilang dako, sa “Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran (Up Up) Palawan” ng PAF-TOW WEST at ng PAF Civil-Military Operations Group na isinagawa via video teleconferencing, tinuran ni BFAR-Palawan Fishery Officer Mario Basaya na climate change ang naging dahilan ng naganap na pagkatunaw ng seaweeds sa Palawan.
Aniya, napakalaki ng naging epekto nito sa kabuhayan ng nasabing mga indibidwal sapagkat nauwi sa wala ang inaasahan nilang hanapbuhay. Base rin sa kanilang pag-iinspeksyon, nangyari rin ito sa mga munisipyo ng Taytay, Dumaran, at Araceli.
Sa ngayon umano, base sa mga natanggap niyang impormasyon mula sa mga Municipal Agriculturist ay unti-unti na rin silang nakakabangon.
“Ang mahalagang balita lang diyan, mayrong ino-offer na mga bagong strain na galing po sa laboratory na pwede pong ipo-propagate sa mga seaweed nurseries ng ating provincial government. Ito ang magiging source ng ating mga seaweed planters para itanim nila ang mga varieties na ito. Sa pagtutulungan ng iba’t ibang ahensiya ay nakatutulong naman po tayo para maibangon natin nang paunti-unti ang seaweeds industry sa Palawan,” dagdag pa ni Basaya.
Aniya, mabuti na lamang umano na kahit ganoon ay biglang sumulpot ang lobster fry na naging alternative na pangkabuhayan ng mga mangingisda sa mga lugar na napinsala ang seaweed plantation.
Matatandaang binanggit noon ni Palawan Provincial Agriculturist Romy Cabungcal sa mga naunang panayam ng Palawan Daily News na mag-i-establish sila ng seedling nursery upang doon pararamihin ang seedlings upang magkaroon ang mga seaweed farmer ng initial na pagkukunan nila ng seedling, na sa kaso ng Green Island ay variety pa rin ng Kappaphycus.
Discussion about this post