Isang Ilonggo na seaman ang nawawala sa barko na sinasakyan nito habang papalayag patungong Taiwan nitong alas sais ng gabi ng Martes, Disyembre 25.
Sakay ng M/T Songa Breeze, napaulat na nawawala si Lude Mar Legario, 25 na taong gulang, habang ang sinasakyang barko ay 100 milya ang layo sa Northern Palawan.
Sa ekslusibong panayam ng Palawan Daily News sa kanyang kapatid na si Hizzle Paguntalan, sinabi nito na hanggang sa mga oras na ito wala pa ring balita tungkol sa nawawalang kapatid nito.
Mga bandang alas-sais nitong pasko huling nakita si Lude Mar sa gilid ng barko na nagpapahangin subalit pagkatapos ng kalahating oras, hinanap na siya ng kanyang mga kasamahan dahil hindi na siya makikita.
Saad ni Hizzle, nagpatunog ng alarma ang kapitan ng barko halos isang oras pagkatapos na nawawala ang kaniyang kapatid at humingi ng tulong sa Philippine Coast Guard pati na rin sa Hong Kong Coast Guard.
Dagdag pa ni Hizzle na sinabihan na sila ng manning agency ng kapatid nito kahapon na nawawala ang kaniyang kapatid at hinahanap na daw ito ng mga coast guard.
Ayon sa manning agency, full Filipino crew ang lulan ng nasabing barko, pero may paghihinala ang pamilya nito na maaring nagkaroon ng foul play sa pagkawala ng kaniyang kapatid.
Aniya, nagchat pa si Lude Mar sa kaniyang nakababatang kapatid na naiinis daw siya sa kaniyang kasamahang chief engineer sa kadahilanang binabastos daw umano siya nito.
“Wala namang depressing na post or message ang kapatid ko. Pero mayroong Facebook post siya may kaaway o kaalitan ito sa barko. Pero hindi kami sigurado kung anong lahi ay kaaway niya. Sana may nakakita sa kanya at ma rescue siya,” saad ni Hizzle.
Ang tanging hiling lamang ng pamilya nito ay sana makita at ma-rescue ang kaniyang kapatid.
Nanggaling ang barko sa Indonesia at ito ay papatungo sa Taiwan nang nangyari ang insidente.
Discussion about this post