Nakamit ng delegado ng Puerto Princesa ang kampeonato sa Secondary level na may 77 gintong medalya sa naganap na MIMAROPA RAA Meet 2019 sa Sablayan, Occidental Mindoro noong nakaraang Pebrero 17-21.
Dala ay tibay ng loob at kumpyansang muling madepensahan ang korona sa MIMAROPA RAA Meet 2019, ang mga atleta ay nagkaisa at ipinakita ang husay at galing sa bawat larangan ng paligsahan.
“Ginampanan nila ang pagiging atleta nila, nakisabay at nakipaglaban [sila] sa MIMAROPA RAA MEET kagaya ng mapanatili ang kampeonato sa Secondary level,” ayon kay Dr. Ferdinand Lagrada, City Sports Coordinator.
“Masaya nag-enjoy po ako. Maganda yung place at yung event po ay naging matindi. Hindi po kami umuwing luhaan, kahit muntik na makuha ang korona sa atin ang masasabi ko po ay we keep on fighting,” Prince Noah Najarro, isa sa mga atleta sa larangan ng swimming.
Idinagdag pa ni Dr. Lagrada ay talagang naging matindi ang labanan ng pitong delegado, gayun paman ay wala silang nakitang problema sa mga atleta ng Puerto Princesa, samakatuwid ay nakita nila ang pagiging advantage nila na lumaban sa ibang delegado dahil ang karamihan sa mga atletang kanilang nakasama ay nakalahok na sa nakaraang MIMAROPA RAA Meet 2018 kung saan sila ang back-to-back champion.
“Isang bagay na naging advantage natin ay inalagaan at di namin pinabayaan ang mga atleta na nakitaan natin ng galing at may disiplina. Advantage po talaga tayo sa mga kalaban na kung saan ang karamihan po sa kanila [mga atleta] ay yun parin [dahil] ‘di pa sila nag-graduate. Unlike dun sa elementary na kapag nag-graduate na, ay may panibagong training na naman yan sa mga susunod na sasaling atleta. Iba po yung elementary division talagang basic talaga, di tulad ng sa secondary dumaan na sila sa elementary at hasang- hasa na sila pagdating ng secondary level nila,” idinagdag ni Dr. Lagrada.
Bagama’t hindi nasungkit ang kampeonato sa elementary level, nakuha nila ang first runner up na may 26 na medalyang ginto. Gayunpaman, ipinagmamalaki at pinasamalatan ang mga batang nakisabayan sa labanan na kung saan sila ay nabuhayan ng pag-asa upang magpursigidong muling maibalik ang korona sa susunod na taon.
“Ako’y nagpapasalamat dun sa mga parents na sobra sobra ang suporta sa kanilang mga anak. At sa mga atleta [na] buhos din ang pagiging atleta nila simula noong nakaraang taon, ginampanan din nila talaga at ngayon na mas matindi at nai-angat pa ang nakuha nilang medalyang ginto. Sa mga trainings na kahit iilang araw ay nakamit parin nila ang mas mataaas na medalya kaysa sa nakaraang taon,” mensahe ni Dr. Lagrada sa lahat ng mga atletang nakilahok sa MIMAROPA RAA Meet 2019 at sa mga magulang nito.
Ang opisyal na bilang ng medalya na napanalunan ng Puerto Princesa sa Secondary level at naging dahilan ng kanilang pagkapanalo ay ang bilang ng mga sumusunod: 77 Gold, 54 Silver, 44 Bronze medals. Samantala para sa Elementary level ang opisyal na bilang ng medalya na kanilang nakamit ay ang mga sumusunod: 26 Gold, 39 Silver, 29 Bronze medals.
Discussion about this post