SAN JOSE, Occidental Mindoro — Malaking tulong ang Rapid Earthquake Damage Assessment System (REDAS) Software sa kahandaan ng lalawigan sa mga kalamidad, ayon sa Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon kay Maria Leonila P. Bautista, Associate Scientist ng Phivolcs, sa pamamagitan ng REDAS software ay makakagawa ang lokal na pamahalaan (LGU) ng mapa, kalakip ang mga posibleng kahihinatnan ng isang lugar na pinangyarihan ng sakuna tulad ng lindol, baha at pinsalang dulot ng malakas na hangin.
“Maibibigay nito (REDAS) ang mga datos tulad ng nasirang imprastraktura, bilang ng mga nasawi at nasugatan, pati ang halaga ng pinsala sa ekonomiya ng isang lugar,” paliwanag ni Bautista.
Aniya, ang mga impormasyong ito ay epektibong basehan sa deployment at pagbibigay ng tulong sa apektadong lugar, “dahil may scientific basis mula sa REDAS.”
Ipinaliwanag naman ni Mario Mulingbayan, tagapamahala ng Provincial Disaster Risk Reduction Office (PDRRMO), ang kahalagahan ng REDAS sa lalawigan. Aniya, bukod sa Mindoro Fault, “nais nating pataasin ang kamalayan at kahandaan ng mga mamamayan sa lalawigan pagdating sa lindol at tsunami.” Dagdag pa ni Mulingbayan, mismong ang gobernador ng lalawigan (Gob. Mario Gene Mendiola) ang tuwina’y nagpaalala sa kanya na magsagawa ng mga kaparehong pagsasanay sa lalawigan.
Ayon kay Mulingbayan, 2018 pa nang lumiham ang pamahalaang panlalawigan sa Phivolcs hinggil sa pagsasanay at ngayong taon lamang nabigyan ng schedule. “Inanyayahan natin sa training na ito ang mga DRRMO ng 11 bayan sa lalawigan, at anumang kaaalaman ay ibabahagi natin hanggang sa barangay,” dagdag pa ni Mulingbayan.
Sinabi ni Bautista na ang aktibidad na ito ay kauna-unahan sa rehiyon. Aniya, “nais ng ahensya na sumailalaim ang buong Mimaropa sa kaparehong pagsasanay.” Dagdag pa ni Bautista, maaring makipag-ugnayan ang pamahalaang lokal sa kanilang tanggapan.
Isang linggong pagsasanay sa REDAS ang ginaganap ngayon sa Sikatuna Beach Hotel, San Jose hanggang ika-2 ng Pebrero. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)
Discussion about this post