Nilinaw ng Palawan Task Force –ELCAC na hindi nila agarang kinukumpirma na tagasuporta ng Communist Terrorist Groups (CTG) na New People’s Army ang mga inilabas na pangalan ng ilang kaparian at pastor.
Ito ang ipinaliwanag ni Western Command Commander Rene Medina sa panayam ng ilang miyembro ng media ilang sandali matapos ang Awareness Symposium for Business Sector noong ika-5 ng Disyembre.
Matatandaang sa inihandang Powerpoint presentation ng PTF-ELCAC sa press conference noong ika-2 ng Disyembre ay nasa listahan nila sina Aborlan Parish Priest, Rev. Fr. Joseph Cacacha; AVPP-SAC Director, Rev. Fr. Jasper Lahan; Rev. Fr. Armando Limsa ng Palawan Katutubo Mission at Pastor Elena del Valle ng UCCP-Puerto Princesa na nasa ilalim ng “Mga organisasyon na pinapagalaw ng CPP-NPA-NDF sa Palawan” at walang nakalagay na “umano’y” o “umanong” bilang tanda ng hindi pa sigurado sa impormasyon.
Iginiit ni VAdm. Medina na binanggit nila sa nakaraang pulong-balitaan na hindi nila agarang idinadawit sa makakaliwang-grupo ang nasabing mga indibidwal dahil posible ring may gumagamit lamang din ng kanilang mga pangalan.
“Yan din ang sabi ko noong last Monday (Disyembre 2) na hindi naman namin kinu-confirm talaga na supporters sila [ng mga NPA] … ‘Baka biktima rin sila roon na ginagamit ang pangalan nila.’ Kaya sabi ko ‘Come to us, come to [Palawan] Task Force-ELCAC, let’s talk together bakit nagkaganyan,” pahayag ni Medina.
Aniya, lumitaw ang mga pangalan base sa nakuhang notebook ng nadakip na NPA na si Domingo Ritas. Kasama rin sa nasabing notebook ang mga pangalan ng mga pulitiko sa Palawan gaya nina Gov. Jose Alvarez, City Mayor Lucilo Bayron at former City Mayor Edward Hagedorn, at ang ilang mga city councilor at mga board members na anila’y “mga biktima” lamang at hindi naman nakapagbigay ng revolutionary tax maging ang ilang mga kilalang negosyante at mga malalaking kompanya na nagbibigay kada buwan.
Sa katanungan naman ni Rev. Fr. Lahan kung bakit naglabas ang PTF-ELCAC ng mga impormasyon base lamang sa sulat sa notebook at mga mali pa, pinanindigan ng pinuno ng AFP unified command na miyembro rin ng nasabing task force, na kaparehas na batayan ang kanilang pinagkunan nang nilabas ang mga impormasyon sa mga indibidwal, mga pulitiko at mga kompanyang hinihingian ng salapi ng mga rebeldeng komunista.
“Doon lang namin ‘yun nakuha sa notebook na narekuber namin….Ngayon kung may mali man [sa mga impormasyon], ‘yung mali ay ang notebook na hawak dati ng NPA na narekuber namin….Wala kaming binago roon,” pahayag ni VAdm. Medina.
“…[A]ng purpose lang talaga namin, kaya namin pinakita [‘yung listahan], para alam nila na naandoon sila sa listhanan,” paliwanag niya.
Idinagdag din niyang kung dapat lamang silang magkaroon ng malawak na pang-unawa upang kung hindi sila totoong supporters ng mga CTG ay bisitahin lamang sila at makiisa sa pagtutol sa pangingikil at iba pang negatibong mga gawain ng mga New People’s Army.
“Hindi rin kami sure talaga…pwedeng paninira ‘yun pero ‘yun ang nakasulat doon sa notebook. Ngayon kung talagang totoo ang sinasabi nila na wala silang [kinalaman], come to us; same thing doon sa ibang biktima.”
“And to validate this, is really sila ang dapat magsabi, hindi po kami,” dagdag pa ni Medina.
Samantala, naging tampok naman sa Symposium ang paglahok ng mga dumalo, lalong-lalo na ng mga indibidwal at mga kompanyang hiningian ng salapi ng mga makakaliwang-grupo ang paglalagda sa pagdeklara sa kanila bilang “persona non grata.”
Discussion about this post