Patay ang isang lalaking motorista habang sugatan naman ang angkas nito matapos na maaksidente sa kahabaan ng Purok Maligaya 2, Barangay Tagburos, Puerto Princesa City, pasado alas-9:40 ng gabi nitong Miyerkules, Hulyo 2.
Sangkot sa aksidente ang isang Kawasaki na motorsiklo na minamaneho ng biktimang isang 26-anyos na lalaki na hindi na pinangalanan ng pulisya, at residente ng Barangay Sta. Monica sa nasabing lungsod. Natukoy naman ang angkas nito na isang 22-anyos na babae, at residente ng Brgy. Tagburos.
Minamaneho naman ng isang 30-anyos na lalaki ang isang Isuzu closed van truck na siyang nakabangga sa mga biktima.
Base sa inisyal na impormasyon ng Puerto Princesa City Police Office – Police Station 2 (PPCPO-PS2), parehong binabagtas ng mga biktima at ng closed van truck ang kahabaan ng Brgy. Tagburos patungong norte nang sinubukan umanong mag-left turn ng motorista dahilan upang mabangga ito ng kasunuran niyang closed van truck at makaladkad ng mahigit limampung metro (50 meter). Napansin din umano ng mga nakakita na mabilis ang patakbo ng nasabing truck.
Sa ipinadalang mensahe sa news team ng Police Station 2, kinumpirma nito na nasa likuran ng mga biktima ang truck at mabilis umano ang pagpapatakbo base na rin sa mga nakakita sa aksidente.
“Opo nasa likod ng motor [‘y]ung truck sir. Base po sa mga witness sa area is mabilis po ang takbo ng truck.”
Dahil dito, nagtamo ng matinding sugat sa katawan ang dalawang motorista na parehong isinugod sa Ospital ng Palawan. Sa kasamaang palad ay hindi na umabot pa ng buhay ang drayber ng motor at kalaunan ay idineklarang dead on arrival (DOA) ng sumuring doktor.
Patuloy naman nagpapagaling sa ospital ang angkas nito habang nasa kustodiya na ng Police Station 2 ang drayber ng truck na nahaharap sa patong-patong na kaso.
Kaugnay nito, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang aksidente.