Isang 39-anyos na babaeng hindi na pinangalanan ng pulisya ang naaresto ng mga awtoridad sa Zone 1, Barangay Irawan, Puerto Princesa City, pasado alas-10:30 ng umaga, ngayong araw ng Huwebes, Hulyo 3, 2025.
Ayon sa inilabas na report ng Puerto Princesa City Police Office Police Station 2 (PPCPO-PS2) ngayong araw, residente umano ng Lagan Street, Barangay Milagrosa, PPC, ang suspek at may kinahaharap na kaso kaugnay ng paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. Maliban dito, natukoy rin na may nakabinbin pa siyang kaso sa ilalim ng parehong batas, kung saan ang inirekomendang piyansa ng korte ay P80,000.
Samantala, kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek para sa tamang disposisyon.
Ayon naman kay PLT Dindo Yapparcon, Officer-in-Charge ng Police Station 2, patuloy ang kanilang pagsisikap na tugisin ang mga may kaso upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod.