Nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong “Leon” na may international name na “Noul” batay sa pinakahuling impormasyong ibinahagi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pag-asa) ngayong araw.
Sa Severe Weather Bulletin No. 5 (Final) ng inilabas ng ahensiya kaninang 5 am, nananatili ang lakas ng nasabing bagyo habang papalayo sa bansa na eksaktong umalis sa PAR kaninang 3pm.
Patuloy umano itong kikilos sa kanluran-hilagang kanluran sa buong forecast period. Liliko naman ito patungong kanluran ngayong gabi o bukas ng umaga at babagsag sa hilaga o gitnang Vietnam bukas ng umaga o sa gabi.
Aabot din umano severe tropical storm category ang nasabing bagyo sa loob ng 12 oras at peak intensity sa araw ng bukas.
Dahil din sa hanging Habagat, makararanas ng pabugso-bugsong hangin ang rehiyon ng MIMAROPA, gayundin ang Batanes, Babuyan Islands, at Western Visayas.
Maliban dito, palalakasin din ng bagyong “Leon” ang Habagat at magdadala ng panaka-naka hanggang katamtaman at minsan ay malakas na pag-ulan sa MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, Caraga, Aurora, at Quezon.
Posible ring magkaroon ng baha at rain-induced landslide dulot ng malakas at walang tigil na pag-ulan lalong-lalo na sa mga lugar na bulnerable sa mga sakuna.
Epektibo rin ang Gale Warning sa western seaboards ng Lalawigan ng Palawan kabilang na ang Kalayaan Islands, gayundin ang Occidental Mindoro, Zambales, at Bataan dahil sa malakas na alon na aabot mula 2.8 metro hanggang 4.5 metro ang pagtaas. Nang dahil dito ay lubhang mapanganib ang maglalayag sa karagatan.
Bukas naman ng umaga, ang bagyo ay nasa 650 km North Northwest na ng Kalayaan Islands, Palawan o nasa labas na ng area of responsibility ng Pilipinas sa layong 15.9° N, 110.8°E.
Sa pinakauna namang post DOST-Pag-asa ngayong araw, ang Lalawigan ng Palawan at ang Occidental Mindoro ay nasa ilalim ng Yellow Warning Level. Sa Palawan, partikular na apektado ng masamang panahon ang mga munisipyo ng Kalayaan Islands, Cuyo, Cagayancillo, Magsaysay at Agutaya.
Nagpaalaala ang ahensiya na posible ang mga pagbaha sa mga mabababang lugar at landslides naman sa mga bulubunduking lugar.
Pinaalaalahanan din ng DOST-Pag-asa ang publiko at ang mga kinauukulang municipal disaster risk reduction and management council na isagawa ang mga nararapat na hakbang, i-monitor ang mga kondisyon ng panahon at abangan ang kasunod na advisory kada 5 am.
Discussion about this post