PUERTO PRINCESA CITY — Umakyat ng 283 ang naitatalang kaso ng Dengue, kabilang na ang limang nasawi, sa unang semestre pa lamang ng kasalukuyang taon (January-June) sa Puerto Princesa.
Sinabi ni City Health Officer, Dr. Ricardo Panganiban, nakakaalarma ang malaking itinaas ng kaso ngayong taon kumpara noong 2017 na mayroon lamang 172 at isang mortality.
“Yes, alarming ito, historically, two or three years nag-spike ang cases ng Dengue pero hindi pa natin ma-determine kung bakit ganito ang trend,” pahayag ni Panganiban nang ipatawag ang mga kinatawan ng CHO sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod.
Labindalawang barangay sa lungsod ang may positibong kaso ng Dengue, kung saan ang San Pedro ang may pinakamataas na naitatala na umabot sa 39 na kaso habang pinakamababa naman ang Tagburos na mayroong anim.
Ilan pa sa mga barangay na may kaso ng Dengue ang Tiniguiban, Bancao- Bancao, San Manuel, San Jose, Sta. Monica, Bagong Sikat, Mandaragat, San Miguel, Sicsican, at Bacungan.
Ayon pa kay Panganiban, sa loob ng nakalipas na limang taon, 2013 ang may pinakamataas na kaso na umabot ng 1,358, pero makikita aniya ang malaking ibinaba nito base sa kanilang talaan.
Aniya, nangangahulugan lamang ito na naging epektibo ang kanilang mga ginagawang hakbang.
Nagpapatuloy ngayon ang mga programa ng nasabing opisina base sa isinusulong ng Department of Health (DOH) tulad ng misting operation at 4S(Seek and destroy breeding places, Secure self protection, Seek early consultation, Support spraying to prevent impending outbreak) advocacy kontra dengue.
Siniguro ng CHO na lahat ng mga pampublikong eskuwelahan sa lungsod ay nalibot ng kanilang operasyon.
Discussion about this post