Kabilang ang isang granada at ang umano’y ginamit na baril sa mga narekober ng mga awtoridad sa u-box ng isang XRM na motorsiklo na naka-park malapit sa isang mall sa lungsod ng Puerto Princesa nitong Pebrero 26.
Pinaniniwalaang ito ang mga gamit ng dalawang kriminal sa nangyareng pamamaslang kay Joanna Jonson-Infante, dating Acting Manager ng Puerto Princesa International Airport.
Bukod sa baril, narekober din ang limang live ammunition sa magazine, dalawang helmets, at mga damit na umano’y tumutugma sa kasuotan ng mga suspek batay sa mga kuha ng CCTV sa pinangyarihan ng krimen.
Ayon sa nakalap na impormasyon ng news team, isang rider umano ang nakapansin sa naturang motorsiklo na kahawig sa mga kumakalat na larawan ng dalawang suspek sa social media. Dahil dito, agad niya itong ipinagbigay-alam sa mga awtoridad na agad namang humiling ng search warrant upang maimbestigan ang tinutukoy na motorsiklo.
Lumalabas din sa inisyal na imbestigasyon na ilang araw na umanong naka-park ang motorsiklo sa lugar bago ito madiskubre.
Dumating din sa lugar ang mga operatiba ng Philippine National Police Explosive Ordnance Disposal (EOD) / K-9 Unit upang suriin ang narekober na granada.
Nagsagawa rin ng masusing imbestigasyon ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang makakalap ng karagdagang ebidensya sa lugar.
Samantala, pinangunahan naman ang operasyon ng Police Station 1 at Criminal Investigation & Detection Group (CIDG) PPC Field Unit, katuwang ang iba pang yunit ng pulisya.













