Iminumungkahi ni Board Member Cesareo Benedito Jr. ang pag-aral kung papayagan na ang pagsasagawa ng face to face classes sa susunod na taon.
Sa kanyang privilege speech sa regular na session ng Sangguniang Panlalawigan, iminungkahi ni Benedito na maaaring gawin ang face-to-face classes ayon na rin sa balitang nakalap mula sa Senado.
“Mr. Chairman patungkol po sa klase na nag-umpisa pa po noong October 5 gawa po ng COVID-19 at meron pong balita na gusto ng ating mga senador na magkaroon na ng face to face classes sa darating na susunod na taon 2021, doon po sa mga area na mababa ang kaso ng COVID-19,” Ani BM Benedito.
Binanggit din nito na malaki ang posibilidad na maisama ang Palawan sakaling payagan na ang face-to-face classes sa bansa.
“Ang Palawan po ay masasabi natin na isa sa pinakamababa ang kaso ng COVID-19, baka naman po pwedi natin pag-aralan na magkaroon na po ng face to face classes dito sa lalawigan ng Palawan,” Pahayag ni Benedito.
Dagdag pa ni Board Member Benedito, may mga problema pa rin sa kasalukuyang istilo ng pagtuturo kaya marapat lamang na isangguni ito sa DEPED Palawan.
“Dahil po sa ngayon marami pa ring nakakarating sa akin na mga kakulangan na hindi pa rin talaga naibibigay yung dapat ibigay sa mga estudyante at sa mga guro at minumungkahi ko po na hingan natin ng assessment yung DepEd,” karagdagang pahayag ni Benedito.
Samantala, napagkasunduan na ipatawag ang DepEd-Palawan sa Committee Meeting ng Committee on Education upang pag-usapan ang posibilidad ng face to face classes at ang assessment din ng kanilang tanggapan mula ng magsimula ang klase hanggang sa kasalukuyan.
Discussion about this post