Siniguro ni Puerto Princesa City Councilor Elgin Damasco na magiging prayoridad sa mabibigyan ng puwesto ang mga maninindang pinaalis sa bagsakan area ng New Public Market, Barangay San Jose kapag natapos na ang ginagawang gusali sa lugar. Kaya naman nanawagan ito sa kanila na makipagtulungan sa pamahalaang panlungsod at pumayag na pansamantalang ilipat sila sa Agricultural Center sa Barangay Irawan.
“Yung sa San Jose naman po, tina-target na matapos yung proyekto, yung paggawa ng napakalaking market building, sa November of 2021. Binabantayan natin [dahil] gusto natin matapos talaga yan para yung mga na-displace na mga kababayan natin na nawalan ng puwesto [ay] diyan [ilalagay]. So, sila ang priority diyan. Kaya nga ngayon, sa mga vendors diyan, ang desisyon ni Mayor Bayron doon kayo sa Irawan eh siguro tumalima na muna kayo total ilang buwan na lang din magno-November na.”
Dagdag pa niya na sinisigurado ng lokal na gobyerno na matatapos ang proyekto sa nasabing petsa upang hindi ito matulad sa ibang proyektong na kasalukuyang naka-tengga.
“Kaya nga natin binabantayan yan ngayon [at] pinapatawag natin sila dahil gusto natin na [kung] kailan dapat matapos ang kontrata eh dapat tapusin ninyo. Bibigyan pa ng mga extension-extension [tapos] aabot na naman ng ilang taon bago matapos. So kailangan bantayan natin ito. [At] sana tumulong na lang din yung mga vendors natin.”
Inaasahan naman umano ni Damasco ang maayos na paglilipat ng mga manininda ng bagsakan area sa Brgy. Irawan sa Araw ng mga Puso.
“Ang target date namin [ay] sa February 14. Magbibigay kami ng final na decision diyan sa muling pagpupulong namin. Kasi mayroon tayong ginawang Irawan Commission na pinamumunuan ni maam Tess Gabayan ng Old Market para sa matiwasay na paglilipat nung mga gustong lumipat doon sa Irawan.”
Discussion about this post