Kasabay ng panawagan sa mga botante ng lalawigan na lumabas at bumoto sa plebisito para sa paghahati ng Palawan sa tatlong probinsiya ngayong Marso 13, pinaalalahanan din ng Palawan Provincial Police Office ang mga mamamayan na pumili ng ayon sa kanilang kalooban.
“Sa mga kababayan po natin lalo na po sa mga botante sa darating po na eleksyon ay lumabas po tayo at bumoto nang naaayon sa ating kalooban hindi po sa dikta ng iilang tao sa paligid,” pahayag ni P/Lt. Col. June Rian, tagapagsalita ng Palawan Provincial Police Office (PPO).
Hiniling din ni Rian na huwag magpapadala sa mga nababasa sa ‘social media’ na posibleng umanong magbigay ng maling impormasyon, bagkus ay balansehin aniya ito dahil sa huli ikaw parin ang magpapasya sa araw mismo ng botohan.
“Huwag po tayo magpaapekto sa social media lalo po kung anu-ano ang nababasa po natin. Tayo parin po ang magdedesisyon kung ano po ang gusto natin.”
Ganito rin ang paninindigan ni Lorelie Suarez ng Brooke’s Point, Palawan. Dapat umanong gawing basehan lamang ang mga nakukuhang impormasyon sa social media, dahil marami pa rin aniya ang hindi alam ang mga mangyayari kung ‘Yes ‘ o ‘No’ ang pipiliin mo sa plebisito.
“Hindi ako magpapadikta sa kahit kanino. Ang social media nakakatulong siya para maging aware tayo sa mga nangyayari. Mas nalalaman natin kung ano yung ipinaglalaban ng Yes at No sa paghahati ng Palawan sa tatlong probinsya. Hindi kasi alam ng iba lalo na yung mga nasa malalayong barangay kaya kahit papaano nagkakaroon sila ng impormasyon sa social media,”
Muli namang iginiit ng PNP na wala silang papanigan sa buong panahon ng plebisito at ang tanging tungkulin nila ay siguruhin ang kapayapaan at kaayusan ng eleksyon.
Discussion about this post