Mabilis na tinupok ng apoy kahapon, Enero 28 ang mga puwesto ng paninda sa Puerto Princesa City Old Public Market sa Bonoan Road, Barangay Tagumpay, lungsod na ito dahil sa malakas na ihip ng hangin na siyang nagpahirap sa mga bombero at volunteers upang agad na makontrol ang apoy.
Batay sa impormasyong nakalap ng news team, bandang alas-dose ng tanghali nang magsimula ang sunog na mabilis na nilamon ang mga puwesto ng souvenir at handicrafts, gayundin ang mga puwesto ng gulayan. Nadamay rin ang ilang nakaparadang sasakyan sa labas ng pamilihan.
Dahil sa lakas ng hangin, mabilis ding kumalat ang apoy sa kabilang bahagi ng kalsada kung saan tinupok ang Jacinto Building at mga kalapit na tindahan.
Agad ding rumesponde ang mga fire truck mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) Puerto Princesa, Bureau of Corrections (BuCor), Philippine Air Force, at Capitol Fire Brigade na nagtulong-tulong upang apulahin ang apoy. Tumulong din ang limang lorry tanker mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at tatlong lorry tanker mula sa Puerto Princesa City Water District (PPCWD) upang magbigay ng karagdagang suplay ng tubig sa mga pangunahing fire truck.
Sa himpapawid, nagpadala rin ang Philippine Air Force sa pamamagitan ng Tactical Operations Wing West (TOWEST) ng isang Sokol helicopter na nagsagawa ng water bombing upang makatulong sa pag-apula ng sunog.
Bandang alas-dos na ng hapon nang makontrol ang apoy. Gayunpaman, may naitala pang muling pagliyab bandang alas-sais ng gabi sa Jacinto Building kaya’t ipinagpatuloy ng BFP ang pagbobomba ng tubig. Ayon pa sa ulat, tumagal ng mahigit pitong oras ang operasyon bago tuluyang ideklarang fire out ang sunog.
Ayon naman kay Acting Public Market Superintendent Engr. Irene Lagrada, batay sa kanilang huling datos, umabot umano sa 107 stalls ang tuluyang natupok ng apoy habang nasa 24 naman ang bahagyang napinsala. Sa kabuuan, nasa mahigit 131 na pwesto ng paninda ang nadamay sa naganap na sunog. Apat naman ang naitalang nasunog na sasakyan sa labas ng pamilihan.
Ayon pa kay Lagrada, wala pa umanong pinapayagan na bumalik sa kani-kanilang pwesto dahil kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga kawani ng BFP.
Kaugnay nito, wala namang naitalang nasawi o nasugatan sa insidente. Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog at maging ang kabuuang halaga ng pinsalang idinulot nito.














