Hindi na lamang basta “lapses” sa protocol ang kinakaharap ng Police Station 2 (PS2) ng Puerto Princesa City Police Office. Sa isang hakbang na tila isang malawakang “surgical operation,” iniutos ni Police Regional Office (PRO) Mimaropa Director BGen. Jovencio Badua Jr. ang administrative relief ng mahigit 100 tauhan ng nasabing istasyon.
Ito ay kasunod ng malagim na pamamaril noong Abril 3 sa Barangay Irawan na ikinasawi nina PSSg Ryan Cris Cabaña, PSSg Jayson Fernandez, at ng BuCor personnel na si CO1 Jerson Talon.
Sa madaling salita: pinalayas ang buong pwersa upang bigyang-daan ang katotohanan.
Umabot sa 102 personnel ang sinibak sa kanilang mga pwesto. Kabilang dito ang apat na pulis na direktang rumesponde sa insidente at ang kanilang station commander na si PMaj. Ray Aron Elona. Ayon kay BGen. Badua, ang marahas na desisyong ito ay hindi lamang para parusahan ang mga nasasangkot, kundi para tiyakin sa publiko na walang mangyayaring “whitewashing” o pagtatakip ng ebidensya.
Matatandaang naging sentro ng batikos ang PS2 matapos lumabas sa imbestigasyon na ang mga rumespondeng pulis ay naka-sibilyan, gumamit ng pribadong sasakyan, at ang ilan ay hinalang nasa ilalim ng impluwensya ng alak sa gitna ng Full Alert Status ng PNP.
Sa pag-alis ng mga orihinal na tauhan, layon ng PRO MIMAROPA na maalis ang anumang agam-agam na baka maimpluwensyahan ang takbo ng imbestigasyon kung mananatili sa pwesto ang mga kasamahan ng mga nasawing pulis.
Kasabay ng paglilinis sa hanay ng PS2, itinalaga si PCpt. Justine Kenneth A. Dalion bilang bagong Station Commander. Si Dalion, na nagmula sa Police Station 4 sa Barangay Macarascas, ang inaasahang magbabalik ng disiplina at kaayusan sa istasyong ngayo’y nabahiran ng kontrobersya.
Nagsimula ang kanyang panunungkulan noong Sabado, Abril 4, habang ang mga bagong tauhan ng PS2 ay hinugot mula sa iba’t ibang police stations sa loob ng lungsod. Isang malaking hamon para kay Dalion ang linisin ang imahe ng istasyon, lalo na’t sariwa pa sa isipan ng mga Palaweño ang naging pahayag ni Badua tungkol sa mabuway na pagtuturo o ang nakakagulantang na “kahawig lang” na dahilan ng operasyon.
Ang pagsibak sa mahigit isang daang pulis ay isang malakas na signal mula sa liderato ng PNP na naglalayon na i-disassemble ang isang buong yunit kung ang integridad ng organisasyon ang nakataya.
Habang nasa restrictive custody ang mga nasangkot at nagpapatuloy ang malalimang pagsusuri ng PNP at NBI, ang lungsod ay naghihintay ng sagot kung sapat na nga ba ang pagpapalit ng mga mukha sa istasyon para maibalik ang tiwala ng publiko o ito ay paunang hakbang pa lamang sa mas malalim na repormang kailangan ng ating lokal na kapulisan.














