Nagsimula na ngayong araw, Marso 10, 2021, ang pagpapatupad ng balik-presyo ng pamasahe sa P10.00 sa Puerto Princesa. Epektibo na kasi ang Ordinance No. 1111 na nagpapatibay nito.
Base sa ordinansa, ang minimum na presyo ng pamasahe para sa 2 kilometro ay P10.00 at madadagdagan ito ng P1.50 kada kilometro. Dapat umano itong sundin ng lahat ng nag-o-operate na tricycle sa lungsod ng Puerto Princesa.
Nakasaad din sa ordinansa na pinahihintulutan ang pagsakay ng hanggang 3 katao sa isang biyahe ngunit kinakailangang sundin ang ipinatutupad na health and safety protocols. Kasama na rito ang pagkakaroon ng plastic barriers sa pagitan ng passenger seats, pagitan ng driver at pasahero sa backride seat, at pagitan ng driver at ng passenger seat. Kailangan din ang madalas na paglinis at pag-disinfect sa mga pampasaherong tricycle. At kailangan na may suot na face mask at face shield ang lahat ng sakay ng tricycle.
Ayon naman kay Puerto Princesa City Administrator Atty. Arnel Pedrosa, kahit tinanggal na ang special fare rate ay kikita pa rin umano ang mga tricycle drivers at operators dahil pinag-aralan naman ito ng mga eksperto bago ito ipinatupad.
“Pinag-aralan naman ‘yan ‘no nung mga eksperto tungkol sa mga bagay na ‘yan [at] computed talaga ‘yan. Hindi naman puwedeng whimsically o basta-basta na lang ay ‘yan ‘yung nag-a-arrive na data. Binusisi ‘yan [at] kinompute ‘yan na ang ibig sabihin ay may kita pa rin ‘yung driver pati ‘yung operator. So, ‘yan talaga ‘yung tamang pamasahe ibig sabihin.”
“Kikita naman talaga sila diyan kahit sampung piso ang pamasahe. ‘Yung mga nagdadahilan na tumaas ‘yung gasolina…[at] yung spare parts [ng tricycle], pinag-aralan naman ‘yan. Ibig sabihin dumaan ‘yan sa tamag pag-aaral bago ‘yan nailagay diyan.”
Dagdag pa nito na walang dahilan para hindi ito sundin ng mga namamasada dahil ipinakalat na ang impormasyon ukol dito.
“Naka-receive na po ng kopya ng ordinansa at paabiso mula sa City Information Department of City Government ‘yung mga presidente ng TODA. Pangalawa, na-publish po ang ordinansa sa loob ng tatlong linggo sa ating pahayagan na nagsi-circulate dito sa lungsod ng Puerto Princesa so walang dahilan para sabihin ‘no nung ating mga drivers and operators na hindi nila alam kung magkano ‘yung pamasahe.”
Narito ang mga kailangang sundin ng mga namamasada ng tricycle:
- Maglagay ng plastic barriers sa kanilang sasakyan
- Pagsunod sa itinakdang presyo ng pamasahe
- Pagsunod sa health and safety protocols
- 3 katao ang maximum na maaaring isakay na pasahero sa isang biyahe
Ang sinumang mapatunayang lumabag sa batas na ipinapatupad ay maaaring makatanggap ng karampatang multa na:
First Offense: P500.00
Second Offense: P1,000.00
Third and Succeeding Offenses: P1,500.00
Ayon sa isang tricycle driver na taga Brgy. San Miguel, mas mahihirapan umano sila sa ipinatutupad na batas dahil hindi pa balik sa normal ang galaw ng lahat ng mga tao tulad ng pagpasok sa eskwelahan ng mga estudyante at hindi rin sila pinapahintulutang dumaan sa national highway.
“Mahirap po talaga. Okay lang sana kung may pasok, yung may aktwal na pasok ng mga estudyante at kung makakadaan po kami sa Rizal Avenue. Sa amin din yun [gastos sa plastic barrier]. Sana hindi na lang muna nila binalik yung sampu-sampu [na pamasahe] kasi mahirap talaga.”
Sa panayam naman sa isang commuter, sang-ayon ito dahil mabigat sa bulsa ang P20.00 na pamasahe lalo na’t kung malapit lang ang bababaan at hindi nasusunod ng ibang tricycle driver ang pagsakay ng 1 pasahero lamang.
“Mas okay yun kung mas marami yung sakay ng tricycle kasi before ba binalik yung pamasahe na P10.00 [ay] nagsasakay sila ng 4 [na pasahero]. Talagang pinupuno nila yung tricycle tapos bente (P20.00) yung sinisingil nila, so kung P10.00 lang yung pamasahe tapos maramihan [ay] okay lang.”
Discussion about this post