Hindi man pinalad na pumasok sa Regional Finals, nakuha naman ng pambato ng Sofronio Española na si Maica Jeorge Rebusquillo ang respeto at paghanga ng mga Palaweño matapos ang kanyang matapang na pagpapakitang-gilas sa tanyag na entablado ng “Tawag ng Tanghalan” (TNT) sa It’s Showtime.
Si Rebusquillo, na nagmula sa katimugang bayan ng Sofronio Española, ay isa sa mga mapalad na napili matapos ang isinagawang masusing audition ng TNT sa Robinsons Place Palawan nitong unang bahagi ng Pebrero 2026. Ang nasabing audition ay dagsa ng mga talentadong Palaweño, ngunit ang tinig at presensya ni Maica ang naging pasaporte niya upang makatapak sa national television.
Sa isang post sa kanyang social media, ibinahagi ni Maica na ang kanyang pagsali ay hindi lamang paghahabol sa titulo kundi isang pagsubok sa kanyang sariling kakayahan.
“Sumali ako sa Tawag ng Tanghalan ng hindi lang para manalo, kundi para subukan ang sarili ko at ipakita ang talento meron ako,” ani Rebusquillo.
Dagdag pa niya, ang bawat patak ng pawis, kaba, at matinding ensayo ay itinuturing na niyang malaking tagumpay.
Para sa mga residente ng Sofronio Española, si Maica ay simbolo ng pag-asa na ang mga pangarap, gaano man kalayo ang pinagmulan, ay kayang abutin basta’t may determinasyon. Ayon sa mga nakapanood sa kanyang performance kahapon, ang pagtayo pa lamang sa harap ng mga batikang hurado ay isang malaking karangalan na para sa lalawigan.
Naging matunog ang pangalan ni Maica sa mga lokal na grupo sa Palawan simula nang lumabas ang balita na siya ang lalahok sa nasabing kompetisyon. Sa kabila ng resulta, nanatiling positibo ang dalaga at naniniwalang may mas malaking plano ang Panginoon para sa kanyang karera.
“Ang pagkatalo ay hindi katapusan ng pangarap, ito ay paghahanda para sa mas malaking oportunidad,” pahayag pa ni Maica. Nangako rin siya sa kanyang mga tagasuporta na babalik siyang “mas handa, mas matatag, at mas determinado.”














