Nagbabala ang Faith Healer na nagtayo ng malaking puting krus sa Sitio Magarwak dito sa Brgy. Bacungan ng Puerto Princesa, na may nakaambang panganib sakaling matuloy ang paghahati ng Palawan sa tatlong probinsya. Ito aniya ang mensahe na gusto niyang iparating sa lahat ngayong bagong taon.
Ayon kay Sister Shirley Banzuela ito ang sinabi sa kanya ng Diyos Ama na huwag hayaang mahati ang Palawan, iginiit nyang hindi hula ang kanyang mga sinasabi bagkus ay mensahe ng Diyos para sa lahat. Panahon na rin aniya para magbago ang tao na ayon sa gusto ng Amang nasa langit.
“Sabihin mo ‘wag nila hatiin ang Palawan, bakit sila ba ang may ari ng Palawan?, Sabi ng ama kapag hinati nila ang Palawan eh di siya mag hati, lagyan nya ng ano, tatawid sila, mag ano rin sila ng barko magtawid sa ibang bayan. Wala ho akong sinabing hindi totoo, hindi ‘yan prediksyon ‘yan ay mensahe ng ama sa akin, dahil sinabi ng ama hanggat hindi ka paniwalaan hindi titigil ang kaparusahan ko lalo na ngayon mas higit ang maranasan nila,” Ayon kay Banzuela sa panayam ng Palawan Daily.
Maging ang mga nakaupong mga lokal na opisyal sa pamahalaan ay dapat na ring magbago at gumawa ng kabutihan, aniya ito ay babala dahil laganap pa rin ang kasamaan at panahon na umano para magkaisa ang lahat ng lider.
“Kahit anong batas ang gagawin pero sinabi ng Ama, anak wala silang karapatan na gumawa at hatiin ang Palawan dahil hindi nila pag-aari ang Palawan, ang lahat ay nilikha ko para sa lahat, ngunit kinamkam nila at hindi sila marunong magbigay sa mga taong mahihirap at walang tahanan,” Sabi pa ni Banzuela.
Ayon pa sa manggagamot, tatagal pa hanggang 2025 ang pandemyang nararanasan natin, mas higit na panganib gaya ng lindol, tidal wave at pagsabog ng mga bulkan ang posibleng mangyari sa hinaharap sa buong bansa kung magpapatuloy umanong hindi siya pakinggan at paniwalaan.
“Ang kailangan ay magbago ang tao, at magkasundo, at ang namumuno ng bayan ay magkaisa, huwag nila babayaran ang boto nila at huwag tatanggap ang tao ng bayad, dahil magdusa sila, dahil bayaran ang tao eh, hindi ito prediksyon ko mensahe ito ng Diyos ng ama dahil namatay na ako at binuhay niya at ibinaba dito sa lupa,” dagdag pa ni Banzuela.
Taong 2004 nang ipatayo ni Sr. Banzuela ang malaking krus sa Magarwak, ito aniya ang hiling sa kanya ng Diyos Ama upang maligtas ang Palawan sa nangyaring tsunami no’ng taong yo’n kung saan nangyari ito sa bansang Indonesia. Napunta ng lungsod si Banzuela matapos dumalo sa isang malawakang panggagamot no’ng taong nabanggit.
“Ang krus na yan ay simbolo ng ispiritu ng Diyos, tingnan n’yo maraming himala ang nangyayari, pinaniwalaan ba ng tao? Inalipusta pa nila at pinagtawanan, kapag ang krus hinusgahan nila buong Pilipinas dito nila makita ang pangitain kung ano ang mangyayari sa Pilipinas, dahil ito ay simbolo ng ispiritu sa aking pagbabalik,” Ani Banzuela.
Tubong Angono sa lalawigan ng Rizal si Banzuela, wala anya siyang anumang ritwal, langis o iba pang gamit sa pangga-gamot maliban sa dasal, pinabulaanan din nito ang usap-usapang nanghahalik siya sa tuwing manggagamot, hindi rin anya siya humihingi ng anumang kapalit o bayad sa kanyang serbisyo.
“Wala akong ginagamit kahit anu kahit sino pa, kamay ko lang, wala akong gamot, Bakit ako mang-halik, anu ako manyakis? Wala ako bayad pag magamot ko sila,” Dagdag ni Banzuela.
Sa huli ay nakiusap siya na huwag husgahan at gawing katatawanan, marami na anya siyang ginawa para iligtas ang sanlibutan pero hindi ito pinansin ng karamihan, ipinapaskil nya sa tapat ng kanyang bahay sa my baba ng mismong malaking krus ang mga mensaheng sinasabi sa kanya ng Diyos Ama para malaman ng lahat.
“Sabi ng Ama kapag hindi maniwala ang tao at pinagtawanan ako mangyari daw ang dapat mangyari, hindi man ako magsabi, kahit magtanung kayo wala akong sinabing hindi tama, lahat tama,” Pahabol ni Sister Banzuela.
Discussion about this post