Nagtulungan ang Philippine Navy, Philippine Coast Guard, at Philippine National Police – Maritime Group sa isang matagumpay na Inter-Agency Maritime Operation (IAMO) na isinagawa ngayong umaga, 27 Abril 2025, sa Pag-asa Cay 1, Cay 2, at Cay 3, kabilang ang mga karatig nitong karagatan sa West Philippine Sea.
Apat na composite teams ang ipinadala gamit ang mga rubber boat upang magpatrolya at magsagawa ng maritime domain awareness. Nakalapag sa Cay-1 ang Teams One at Two, sa Cay-2 naman ang Team Three, habang sa Cay-3 naman nakarating ang Team Four.
Sa gitna ng operasyon, namataan ng mga operatiba ang ilegal na presensya ng China Coast Guard 5102 na nasa tinatayang 1,000 yarda silangan ng Cay-2. Bukod dito, nakita rin ang pitong (7) sasakyang pandagat ng Chinese Maritime Militia malapit sa Cay-2 at Cay-3.
Ayon sa National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), ang operasyon ay bahagi ng regular at makatarungang pagpapatupad ng hurisdiksyon ng Pilipinas sa nasabing bahagi ng karagatan. Binibigyang-diin ng NTF-WPS ang matatag na paninindigan ng pamahalaan sa pagtatanggol sa soberanya, mga karapatan, at hurisdiksyon ng bansa sa West Philippine Sea.
Dagdag pa rito, iginiit ng NTF-WPS na ang ganitong mga operasyong inter-agency ay patunay ng patuloy na pagsunod ng Pilipinas sa mga alituntunin ng internasyonal na batas at sa pagsusumikap nitong mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.