Isang 67-anyos na Taiwanese national ang muntik nang malunod habang lumalangoy sa Hidden Beach sa bayan ng El Nido,noong umaga ng Abril 26, 2025.
Ayon sa ulat ng Coast Guard District Palawan (CGDPAL), nakatanggap ang himpilan ng Coast Guard Station Northern Palawan ng tawag mula sa El Nido Tourism Office hinggil sa insidente. Agad na nagpadala ng Quick Response Team ang PCG upang salubungin ang turista sa Modular Floating Dock at madali itong nadala sa pinakamalapit na pagamutan para sa agarang medikal na atensyon.
Sa pahayag ni Atty. Edgar Allan Ocampo, tagapagsalita ng CGDPAL, lumitaw sa imbestigasyon na napansin ng isang tour guide na nalulunod ang turista habang nagsasagawa ito ng routine check. Mabilis na kumilos ang tour guide upang iligtas ang banyaga at agad din itong ini-report sa Coast Guard.
Sa kasalukuyan, nasa ligtas nang kalagayan ang turista matapos mabigyan ng kaukulang lunas.