Kalunos-lunos ang sinapit ng dalawang drayber ng motorsiklo matapos na magkabanggaan sa National Highway ng Barangay Barotuan sa bayan ng El Nido, Palawan, noong Disyembre 17, bandang 3:45 ng hapon.
Kinilala ang mga biktima na sina John Paul Dangue, 23-anyos, construction worker, at minamaneho ang isang Mio 125 na motorsiklo nang mangyare ang insidente. Dagdag pa ng awtoridad, may angkas umano si Dangue na isang 21-anyos na parehong naninirahan sa Sitio Buluang, Barangay Sibaltan, sa nabanggit na bayan.
Kinilala naman ang isang motorista na si John Kurt Gallardo, 19-anyos, security guard, at minamaneho ang isang Rusi 150 na motorsiklo na ayon pa sa awtoridad ay may angkas din na menor de edad.
Isang Racal 125 na motorsiklo naman ang sangkot din sa aksidente na minamaneho naman ni John Michael Espineda, 19-anyos, at naninirahan sa Sitio Taberna, Barangay Bucana, sa parehong bayan din.
Batay sa imbestigasyon, mabilis umano ang pagpapatakbo nila Gallardo at Espinida sa National Highway mula Barangay Baotuan patungong Barangay Pasadeña (direksyon mula norte patungong sur) sa nabanggit na bayan.
Pagdating sa lugar ng aksidente, dahil sa mabilis ang pagpapatakbo ng dalawang motosiklo ay nag-overshoot at pumasok umano ito sa linya ni Dangue na binabaybay ang kabilang linya na nagresulta sa salpokan ng tatlong motorsiklo.
Bilang resulta, matinding sugat ang tinamo ng mga drayber at mga angkas nito dahil sa aksidente.
Agad na dinala naman sa El Nido Community Hospital ang parehong mga sangkot ngunit idineklarang dead on arrival ng sumuring doctor sina Dangue at Gallardo. Ang mga motorsiklo naman ay nasa pangangalaga na ng EL Nido Municipal Police Station (MPS).
Discussion about this post