Anim na umano’y mga kasapi ng Milisya ng Bayan na sumusuporta sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang kusang sumuko kahapon ika-27 ng Abril sa pamahalaan sa tulong ng Joint Task Group-North (JTG-North) at ng local government unit (LGU) ng Brgy. Concepcion, Puerto Princesa City.
Bunga ito ng patuloy na pagsisikap ng Joint Task Force Peacock (JTF-Peacock) sa pangunguna ni Brigadier General Jimmy D. Larida, JTG-North/Marine Battalion Landing Team-3, Joint Intelligence Task Units-North upang wakasan na ang paghihimagsik ng mga makakaliwang grupo sa lalawigan ng Palawan.
Samantala, nangako naman ang anim sa harap ng mga opisyal at nagkaroon ng kasunduan na tutupad ang mga ito na hindi sila magiging kasangkapan at susuporta sa NPA.
“Walang makakamit na maganda ang pagsali at pagsuporta sa makaliwang grupo. Kung may gusto kayo iparating na problema na kailangan ng agarang aksyon, nandiyan ang ating mga Marines para tumulong o maging tulay para maipaabot ang inyong problema,” ani Job R. Francisco, kapitan ng Barangay Concepcion.
Ayon naman kay City DILG LGOO Vl Director Renato Javarez, hiling nito na sana ay marami pa ang mahikayat na mag-withdraw ng suporta sa CPP-NPA.
Nasa kostudiya na ng JTG-North ang anim para isailalim sa debriefing at assessment na makakatanggap ng livelihood training at financial assistance mula sa Enhanced Community Local Integration Program (E-CLIP).
Discussion about this post