Isinailalim sa “Total Lockdown” ang buong bayan ng Busuanga at pansamantalang isinara ang borders nito sa karatig-bayang Coron matapos makapagtala ng “local transmission” ng COVID-19 sa nasabing bayan.
Ayon kay Busuanga Municipal Information Officer Jonathan Dabuit, layunin nitong matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga kababayan at maiwasang umabot ang local transmission ng virus sa kanilang bayan.
“Total lockdown tayo ngayon but this is really temporary which started last night [August 17] after na mag-announce si Coron ‘yung kaganapan sa kanila na nagkaroon sila ng local transmission at nag-lockdown din sila ng isang barangay. Ongoing naman ang kanilang contact tracing na pero tayo naman ay agad nagpalabas ng direktiba sa pamamagitan ng ating alkalde dito na si Mayor Beth Cervantes na pansamantala ay i-lockdown na muna ang buong Busuanga until such time na mapag-usapan muna kung ano talaga ang magandang gawin,” kumpirmasyon ni Dabuit sa panayam ng programang “Chris ng Bayan” sa Palawan Daily News.
Sinabi pa ni Dabuit na maging ang delivery trucks at sinumang may transaksyon sa pantalan ng Coron nitong mga nakaraang araw ay hindi na muna nila papayagang makapasok ng Busuanga lalo pa’t may natatanggap silang mga impormasyon na kinakikitaan narin ng sintomas ng COVID-19 ang anak ng 82 anyos na babaeng una nang inanunsyo kagabi na positibo sa virus.
“Hindi kasi natin alam ‘yung extent ng case ng Coron ay kinakailangan natin na protektahan muna ang ating mga kababayan from a possible spread. Napag-alaman kasi natin at mayroon tayong unconfirmed report na ‘yung anak ng 82 years old ay nilalagnat narin ngayon at ito ay kawani actually ng isang national agency,” dagdag pa ito.
“At dahil sa PPA s’ya nagta-trabaho, tinitingnan din po natin ‘yung concerns na ‘yun kaya even ‘yung delivery trucks and persons na galing sa pier po ng Coron ay hindi muna namin pinapa-pasok dito sa Busuanga until such time na matapos ang contact tracing,” ani pa ni Dabuit.
Samantala, sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng pulong ang Municipal Inter-Agency Task Force ng Busuanga upang mailatag ang iba pang dapat gawin at agad din anya silang makikipag-ugnayan sa Coron LGU para sa ilan pang security at preventive measures na ipatutupad sa mga susunod na araw.
“After ng meeting namin dito sa Busuanga ay makikipag-ugnayan din kami sa Coron at lahat po ng magiging desisyon ay agad naming ipaaalam sa publiko para aware sila lalo na ang aming mga kababayan. Ipinapakiusap lang namin sa lahat na habaan ang pasensya dahil kaligtasan nating lahat ang iniisip namin dito,” sabi pa nito.
Discussion about this post