Binigyang-pansin ng pamunuan ng 2nd Palawan PMFC ang isang social media post ng concerned citizen na si Ms. Jelinda Sarmiento tungkol sa kalagayan ng isang matandang lalaki sa Barangay Nicanor Zabala, Roxas, Palawan na may sakit at sira-sirang tahanan.
Ang matandang lalaking tinukoy ay si Mr. Benjamin Torcino Arcayan, o mas kilala bilang “Tatay Ben,” may edad na 76 taon at naninirahan na lamang mag-isa. Ipinanganak siya sa Mati, Davao Oriental at noong 1994 ay napadpad siya sa lalawigan ng Palawan at simula noon ay nanirahan na sa Brgy. Nicanor Zabala.
Noong ika-7 ng Hunyo 2023, binisita ng mga pulis ng 2nd Palawan PMFC si Tatay Ben upang suriin ang kanyang kalagayan habang nagpapagaling sa kanyang sakit. Napag-alaman ng pamunuan ng 2nd Palawan PMFC na pansamantalang naninirahan si Tatay Ben sa tahanan ng pamilya ni Ginang Nora C. Mirasol dahil wala siyang sariling maayos na tahanan.
Matatandaan nag viral sa social media natapos e-upload ng isang concern citizen na si Jelinda Sarmiento si Tatay Ben kamakailan dahil sa kalunos lunos na kalagayan nito.
Bilang tugon ng pamunuan ng 2nd Palawan PMFC sa pangunguna ni Force Commander PLTCOL Mhardie Azares, agad na naghanda ng plano para sa pagpapatayo ng isang bagong tahanan para kay Tatay Ben.
Sa tulong ng Kapatiran sa Iglesia ni Cristo ng Lokal ng Desay at mga opisyal ng Barangay Nicanor Zabala, Roxas, Palawan, nagawa ang pagtatayo ng isang bagong tahanan para kay Tatay Ben.
Nitong Hulyo 10, 2023, opisyal na ibinigay ng pamunuan ng 2nd Palawan PMFC sa pangunguna ni Azares, kasama ang Lokal na Pamahalaang Barangay ng Nicanor Zabala at Kapatiran sa Iglesia ni Cristo ng Lokal ng Desay, ang bagong bahay para kay Tatay Ben.
Lubos ang pasasalamat ni Tatay Ben sa mga pulis ng 2nd Palawan PMFC at sa lahat ng mga tumulong na naging bahagi ng biyayang kanyang natanggap. Malaki ang kasiyahan sa kanyang puso na muli siyang magkaroon ng sariling tahanan.
Sa pangwakas, nagpapasalamat ang pamunuan ng 2nd Palawan PMFC sa lahat ng mga taong tumulong at sumuporta sa programang ito, pati na rin sa pamilya ni Ginang Nora C. Mirasol (may-ari ng lupa) na nagbigay ng pahintulot para sa pagtatayo ng bagong tahanan ni Tatay Ben.
Discussion about this post