Bumaba ang kaso ng dengue sa buong lalawigan ng Palawan sa unang limang buwan ng taon kumpara noong nakaraang taon.
Ito ang kinumpirma ni Dra. Mary Ann Navarro, ang Provincial Health Officer ng Palawan kung saan sinabi nitong umabot lamang sa 182 dengue cases ang kanilang naitala mula Enero hanggang Mayo ngayong taon kumpara sa 833 cases noong 2019 sa kaparehong mga buwan.
Ibig anyang sabihin, 357% ang ibinaba ng bilang ngayong taon kahit pa may kinakaharap na pandemya ang buong bansa dulot ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Base sa talaan ng Provincial Health Office, pinakamataas ang kaso ng dengue sa bayan ng Narra na mayroong 41 dengue cases na sinundan ng Bataraza na may 29 na kaso habang 22 dengue cases naman ang naitala sa bayan ng Brooke’s Point.
Ang Culion ay may 13 kaso ng dengue, 12 sa Quezon at sa bayan ng Sofronio Española, 11 sa San Vicente, walo sa bayan ng Taytay at Roxas habang lima sa El Nido, apat sa Coron, tig-tatlo sa Rizal, Dumaran at Balabac habang isang kaso naman ng dengue ang naitala sa Linapacan.
Kaugnay nito, tiniyak ng PHO na tuloy ang kanilang monitoring upang mabantayan ang kalusugan ng mga Palaweño sa sakit na dengue sa tulong narin ng Rural Health Units sa bawat munisipyo.
Discussion about this post