Simula na ng paghirang sa mga natatanging atleta sa probinsya ng Palawan sa pagbubukas ngayong araw, Nobyembre 10, ng Panlarong Panlalawigan 2019 sa munisipyo ng Bataraza na dinaluhan ng daan-daang batang atleta mula sa 23 munisipyo ng probinsya.
Layon ng limang araw na patimpalak sa iba’t-ibang isports at palaro ang paghirang sa mga natatanging batang atleta ng Palawan na magrerepresenta sa gaganapin sa nalalapit na MIMAROPA Regional Meet.
Bagaman ang Palarong Panlalawigan ay taon-taong inilulunsad, maitatalang ito ang pinaka-unang beses na pag-lunsad nito sa bayan ng Bataraza at inaasahang sa naturang bayan pa rin gaganapin ang palaro sa susunod na dalawang taon, ayon sa isang panayam mula kay Mayor Abraham Ibba.
“Uunahan ko na kayo, next year, dito pa rin gaganapin ang Provincial Meet. So by next year, mas madadagdagan pa ang ating mga facilities,” ani ni Ibba.
Sa ginawang panayam kay Ibba, ipinaalala din ng alkalde ng Bataraza sa mga batang atleta na kanilang galingan at palaging isabuhay ang sportsmanship sa bawat isa.
“Galingan nila sa mga laro at sana masiyahan sila sa ating inihandang venue,” ani ni Ibba.
Dagdag pa din ng alkalde, pagkatapos ng Provincial Meet ngayong taon ay patuloy ang pagpapagawa ng naturang munisipyo ng mga covered courts upang maging karampatang venue ng iba pang mga palaro na lalahokan ng mga atleta.
Sa kasalukuyan, ayon kay Ibba, ay nasa higit P100-milyon na ang nailaan ng local government unit ng Bataraza sa pagsasaayos at pagtatayo ng mga sports facilities sa kanilang lugar at inaasahang patuloy pa rin nila itong bibigyan ng pondo para sa kapakanan ng bawat atletang Palaweño.
Samantala, matatandaang hinirang ang munisipyo ng Narra bilang kampeon sa nagdaang Palarong Panlalawigan 2018 na ginanap din sa naturang munisipyo.
Ang iba’t-ibang mga palaro ay magsisimula bukas, Nobyembre 11, at karamihan sa mga ito ay gaganapin sa bagong tayong Bataraza Sports Complex.
Kabilang sa mga gagawing palaro ay ang athletics, arnis, archery, badminton, baseball, basketball, billiard, boxing, chess, football, futzal, gymnastics, Sepak Takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo, lawn tennis, volleyball at Mushu.
Ang mga palarong nabanggit ay lalahokan ng mga batang atletang magmumula sa elementary at secondary division.
Discussion about this post