Nagsimula na kahapon Hulyo 7, ang dalawang araw na tagisan ng talento sa 2022 Palawan Provincial Skills Competition na may temang “Enriching Skills, Transforming Lives” na ginaganap sa isang Mall sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ang kompetisyon ay magtatapos ngayong araw ng Hulyo 08, na gaganapin din sa PPSAT, at Sta. Monica.
Dito ay magtatanghal ang mga magwawagi sa bawat patimpalak sa walong ( kategorya na kinabibilangan ng baking, restaurant services, electrical installation, plumbing and heating, welding, information network cabling, driving at farm olympics.
Layunin ng aktibidad na maipamalas ang natatanging husay at kakayahan ng mga mag-aaral at alumni ng TESDA sa mga larangang nabanggit.
Nagbigay naman ng mensahe si Provincial Information Officer Atty. Christian Jay V. Cojamco bilang kinatawan ni Gob. Dennis M. Socrates ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan kung saan malugod nitong binati ang mga partisipante sa aktibidad.
Samantala, ang aktibidad ay pinangangasiwaan ng mga kawani ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA- Palawan katuwang ang mga iba’t ibang Technical Vocational Institutions (TVI) sa lalawigan. Dumalo rin sa programa sina TESDA Provincial Director Vivian E. Abueva, Vocational School Administrator Dr. Sianita C. Tadlas at Gng. Shiara Kuh T. Conde na kapwa nagmula sa Puerto Princesa School of Arts and Trades at Gng. Javelin E. Obrero ng Provincial Training Center.
Discussion about this post