Matapos na manawagan ang Palawenyo Savers Club (PSC) ng paglahok ng komunidad para makalikom ng perang gagamitin sa pagtulong sa mga mag-aaral ngayong pandemya, ganap nang nagagamit ng mga benepisyaryo ang laptop at tablet sa kanilang pag-aaral
Sa pagtutulungan ng mga nasa 482 donors, umaabot ang kabuuang nalikom sa P1,163,641.73. Sa nasabing halaga, nasa P299,085.15 dito ay buhat sa Lalawigan ng Palawan o katumbas ng 38.5 percent, habang nasa P476,676 o katumbas sa 61.5 percent ang mula sa labas ng lalawigan kaya tinapatan ng PSC ang donasyon ng P387.880.58, alinsunod sa kanilang pangako na tatapan nila ng 50 porsiyento ang kabuuang halaga ng maido-donate.
Sa nabanggit na salapi na ang mga nangungunang donor ay ang Viet Ville Restaurant at si Sen. Ping Lacson, 75 porsiyento nito ay inilagak sa pagbili ng mga bagong laptop habang ang 25 porsiyento naman ay binili ng 60,100 face masks, 13,100 face shields, 120 galon ng alcohol, 80 ream ng bondpaper at anim na yunit ng toner na para naman sa mga guro at mga eskwelahan. Mayroon ding 20 units ng pocket WiFi ang binili para sa mga benepisyaryo.
Matatandaang inilunsad ang Project Abot-Kamay noong Agosto 22, 2020 ng PSC at nagtapos noong Setyembre 30 na may layong makalikom ng pondo, sa tulong ng komunidad para mabigyan ng laptop at iba pang kailangang gamit ang mga mapipiling mag-aaral sa kanilang distance learning na ipinatutupad kasabay ng banta ng COVID-19.
Ang mga benepisyaryo ng 30 brand new laptops, mula sa mahigit 600 na mga nag-apply, ay karamihang mga nasa senior high school na mga taga-Lungsod ng Puerto Princesa, sinundan ng Bayan ng Roxas, at Sofronio Espanola.
Sa partikular na bilang naman, 16 sa mga benepisyaryo ay galing sa lungsod, tatlo sa Bayan ng Roxas; dalawa Quezon at Sofronio Espanola; isa naman sa mga munisipyo ng Aborlan, Bataraza, Brooke’s Point, El Nido, Narra, at Taytay.
Sa kabilang dako, maliban sa cash, may in kind donation ding natanggap ang PCS mula sa iba’t ibang mga indibidwal at mga organisasyon gaya ng 75 brand-new tablets at pitong mga second-hand laptop.
Sa pito namang second-hand laptops at 75 tablets, tatlo rito at 12 ang naibigay na sa mga benepisyaryo habang 17 sa 20 pocket WiFi units ang naibigay na rin.
Ang natitirang mga tablet at mga pocket WiFi units ay iti-turn-over sa iba’t ibang organisasyon sa Lalawigan ng Palawan na sila namang nakatutok sa distribusyon.
Tiniyak naman ng mga nangangasiwa ng proyekto na masusing dumaaan sa evaluation at validation ang mga nabigyan ng gadget.
Kaugnay din dito, nakatakda ring magbigay ng tatlo hanggang apat na tablet ang Palawenyo Savers Club sa mga partner media entity upang sila naman ang pipili sa mga nais nilang tulungan na mga mag-aaral.
MGA BENEPISYARYONG IPs
Sa inisyal na datos na ibinigay ng PCS, sa mga benepisyaryo, ang mga IPs na nakatanggap ng gadget ay isang Tagbanua at isa ring Palaw’an habang karamihan ay mga Cuyunon.
Susubaybayan naman umano ng grupo hanggang makatapos ng pag-aaral ang naturang mga kabataan hanggang sa maabot nila ang kanilang mga pangarap.
“We’re also eyeing some of them already for qualifying to our financial assistance program for education which is for college students,” ang pahayag naman ni May Aldritt, project coordinator ng Project Abot-kamay.
Nang tanungin naman ng Palawan Daily News kung may similar na proyekto bang bubuksan din sa 2021, tinuran ni Aldritt na sa ngayon ay hindi pa nila masasagot dahil baka umano iba na ang uusbong na mga pangangailangan sa susunod na taon.
PAGPAPAHALAGA SA EDUKASYON
“We’ve always given importance to all sorts of education—it might be formal education, or informal education…kasi an informed mind will be making better decisions. We would like the Philippines to have better informed citizens and for the students, that’s how we can help for the young ones,” ani Aldritt.
Dagdag pa niya, isa lamang ang edukasyon sa bahagi ng mga programa ng Palawenyo Savers Club ngunit isa ito sa mga pinakamalaking bahagi dahil lahat naman umano ay pwedeng isama sa edukasyon gaya ng edukasyon ukol sa finances, at edukasyon sa pagnenegosyo, at iba pa. Tumutulong din umano sila sa mga start-ups o mga bagong tayong negosyo na gumagamit ng teknolohiya.
Samantala, sa mga nagnanais makita ang kabuuang ulat ng nasabing proyekto, maaaring bisitahin ang kanilang website na https://projectabotkamay.wordpress.com.
Discussion about this post