Isang 12-anyos na batang babae ang himalang nailigtas ng kanyang kuya sa pag-atake ng isang buwaya 6:30PM kagabi, Nobyembre 8, sa Barangay Poblacion VI, Balabac, Palawan.
Ayon sa nakalap na spot report ng Palawan Daily News mula sa mga awtoridad, kinilala ang biktima bilang si Haina Lisa Habi, isang grade 7 student at residente ng Barangay Catagupan, Balabac, Palawan.
Ayon naman sa imbestigasyon ng mga awtoridad, kasalukuyang binabaybay ng biktima at ng kuya nito ang isang tulay sa sapa ng Barangay Poblacion VI, pauwi na sana sa tahanan ng kanilang lola, nang bigla na lamang sumulpot ang buwaya at kagati nito ang biktima.
Akmang hihilain na sana ng buwaya ang biktima palubog ng sapa ngunit agad naman umaksiyon ang kuya nito at buong lakas nitong hinila ang kapatid pataas, dahilan ng kanilang masuwerteng pagkakatakas.
Dahil dito, nagtamo ng malalim na kagat ang biktima sa ibabang bahagi ng kanyang kanang binti na agad namang inampatan ng pangunahing lunas sa lokal na rural health unit (RHU) ng Balabac.
Matapos ang gamutan, agad din namang pinauwi ang biktima.
Discussion about this post