Dinaluhan ng iba’t ibang grupo sa Puerto Princesa City na pinangunahan ng City ENRO ang programa para sa taunang aktibidad na Earth Hour noong Marso 25 na ginanap sa Balayong People’s Park.
Isang programa ang inihandog ng pamahalaang panlungsod bago pa ang itinakdang oras nang sabayang pagpatay ng kuryente.
Kinatawan ni Konsehal Luis Marcaida III ang Sangguniang Panlungsod na nag-iwan ng mensahe sa mga kabataan sa pagpapahalaga ng kalikasan at ang kontribusyon ng Earth Hour sa pakikibaka laban sa nararanasang global warming o climate change.
“Let us impart to the mind and heart of the new generation of today ang kahalagahan ng ganitong aktibidad gaya ng Earth Hour. Sila kasi ang magmamana ng ganitong hangarin na mahalin rin at pangalagaan ang kalikasan,” bahagi ng mensahe ni Kon. Marcaida.
Maging si City ENRO Chief Atty. Carlo Gomez, PENRO Chief Felizardo Cayatoc at Konsehal Henry Gadiano ay ipinagmalaki rin ang malaking ambag ng lungsod sa pag-iingat at pagmamahal sa likas na yaman ng bansa.
Bilang pagsuporta, dumalo rin ang dating Ms. Puerto Princesa City at ang kinatawan ng siyudad sa Ms. Philippines Earth 2023 Ms. Jemima Joy Zabala na humingi rin ng suporta sa kanyang parating na laban. Naging katuwang rin sa programa ang Boy Scout of the Philippines.
Pagpatak ng 8:00 PM, kasabay ng Earth Hour, naghandog rin ng palabas ang Banwa Dance and Arts, Puerto Princesa City Choir at J-metry Flame Artist na pinalakpakan ng mga dumalo sa programa.
Malaki ang pasasalamat ng pamahalaang panlungsod sa pamumuno ni Mayor Lucilo R. Bayron sa suporta ng mga mamamayan bagaman hindi nakadalo sa mismong programa.
Inabot ng isang oras ang sabayang pagpatay ng kuryente na nagsimula noon pang taong 2007 na nilalahukan ng mahigit 190 bansa sa mundo.
Discussion about this post