Sa kaniyang pag-upo bilang Gobernadora ng Palawan ay inaasahan na uunahin umano ni Gob. Amy Roa Alvarez ang pagpapasahod sa mga empleyado ng kapitolyo.
Sa isang panayam ng mga lokal na media nito lang Hunyo 30, sa kakatapos lang na “Panunumpa Sa Katungkulan,” inihayag ni Gob. Alvarez na bibigyang pansin niya ang mga empleyadong hindi pa rin nakakasahod nitong mga nakaraang buwan.
“Unahin ko rin yung sweldo sa kapitolyo…’yon talaga ang ano [gagawin] ko…kasi paano ka magbigay ng tamang serbisyo kung gutom ka?,” pahayag ni Gob. Alvarez sa panayam sa kaniya ng mga media.
Sinabi rin niya na handa umano itong matulog sa opisina maasikaso lang ang mga papeles upang mapasahod ang mga empleyado.
“Delayed talaga ang sahod that’s why…whatever it takes na matulog ako diyan sa opisina mapasahod [lang] ‘yung tao [empleyado],” dagdag pa niya.
Naging makasaysayan ang nasabing panunumpa dahil ito ang unang pagkakataon na may naihalal na babaeng gobernador sa lalawigan ng Palawan. Inaasahan din na tututukan ng nasabing gobernadora ang mga programang pangkalusugan, kabilang na ang mga gamutan sa mga ospital sa lalawigan ng Palawan.