Mga negosyanteng apektado ng pandemya, maaaring mag-apply para sa ayuda sa ilalim ng ‘COVID-19 Assistance To Restart Enterprise Program (CARES)’. Ang CARES ay programa ni Rep. Gil “Kabarangay” Acosta Jr. na naglalayong umagapay sa mga mamamayan at negosyante ng Ikatlong Distrito ng Palawan.
Sa ipinaabot na impormasyon ng Third Congressional District Office, ang mga kinakailangang dokumento ay mga sumusunod: Kumpletong detalye sa application form; Government issued IDs na may litrato; katunayan ng permanenteng tirahan; Barangay at Municipal Business Permit at litratong nagpapatunay ng negosyo at fixed asset.
Sa ngayon, patuloy ang pagtanggap ng aplikasyon ng opisina hanggang Setyembre 30, 2020 kung saan pipiliin ang magiging kwalipikado para dito.
PAMAMAHAGI NG AYUDA
Maliban sa programang CARES, matatandaang kasama rin sa mga naging hakbang ni Rep. Acosta simula nang idineklara ang lockdown sa Lungsod ng Puerto Princesa at Lalawigan ng Palawan ay ang agarang pamimigay ng ayuda sa mga lugar na nasasakupan ng Ikatlong Distrito ng Palawan.
Ang ayuda ay sa pamamagitan ng pamimigay ng isdang lulutuin ng mga mamamayan, pamamahagi ng food packs para sa mga frontliner sa mga checkpoints noon sa mga barangay ng Bancao-Bancao, San Miguel, Sta. Monica, Brgy. San Manuel, Brgy. San Rafael at Brgy. Inagawan; gayundin sa mga frontliner mula sa City Health Office, Cooperative Hospital, Adventist Hospital, at ang mga nakatalaga sa City Coliseum. Nabiyayaan din ng foodpacks at ayuda ang mga naka-confine sa Aborlan Medicare.
Namahagi rin ang kongresista ng mga alcohol, face mask at face shields, hand gloves, thermal scanners at disinfectant sprayers sa mga frontliner.
Namigay rin ng tulong at ayuda ang opisina ni Third District Rep. Acosta sa mga taga-Bayan ng Aborlan, katuwang ang Palawan Rescue 165 at Pilipinas Shell Foundation, Inc. (PSFI).
Sa kabuuan ay nakumpleto ang pamamahagi ng mga ayuda sa 66 na mga barangay sa Lungsod ng Puerto Princesa at sa 17 barangay naman sa Bayan ng Aborlan.
HANAPBUHAY
Para naman sa livelihood, sa programang ito ay nakatuwang ng opisina ni Acosta ang TESDA-Palawan para sa libreng training sa mga nawalan ng trabaho sa Ikatlong Distrito at ang Puerto Princesa School of Arts and Trade na sila namang nagsilbing training provider. Ang mga pagsasanay ay ang Dress Making NC II, Shielded Metal Arc Welding NC I, Process Food Salting, at Curing and Smoking NC II.
Namahagi rin ng mga babaeng biik si Rep. Acosta mula mismo sa sarili niyang bulsa na kung saan, kapwa 10 biik ang natanggap ng Brgy. Irawan at Brgy. Manalo.
GOVERNMENT INTERNSHIP PROGRAM
Nito lamang nakaraang araw, labis ang tuwa ng 101 mga indibidwal dahil naging qualified at nakapasok sila sa Government Internship Program sa inisyatibo ng kinatawan ng Ikatlong Distrito, sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang mga naging kwalipikado ay itatalaga sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa Palawan na kung saan ay magkakaroon sila ng trabaho at magkakasweldo ngayong nahaharap ang bansa sa COVID-19 crisis.
TUPAD
Kasama rin sa mga napakaraming proyekto at programa ni Rep. Gil Acosta, Jr. para sa mga nawalan ng trabaho ngayong panahon ng krisis ay ang pagpapatupad ng “Tulong sa para sa mga Displaced o Disadvantage Workers” (TUPAD).
Dito ay nakipagtulungan ang tanggapan ni Acosta sa mga pamunuan ng mga barangay sa Lungsod ng Puerto Princesa at Bayan ng Aborlan para mabigyan ng pansamantalang hanapbuhay at trabaho ang mga benepesyaryo. Lubos naman ang tuwa ng mga nakatanggap ng benepisyo dahil sa pamamagitan nito ay nabigyan sila ng trabaho sa mga barangay na sa 10 araw ay nakatanggap sila ng P3,200 sahod.
Gayundin, sa gitna man ng pandemya ay nagpapatuloy pa rin ang mga programang sinimulan ng opisina ni Rep. “Kabarangay” Acosta gaya ng Multi-Purpose Building sa Brgy. Sicsican, sariling barangay hall ng Brgy. Manggahan, road concreting FMR sa Brgy. Tagburos na nai-turn-over na rin kamakailan at Senior Citizen Building sa Brgy. Kamuning na pawang nasa Lungsod ng Puerto Princesa.
Discussion about this post