Ang mass vaccination ang nakikitang solusyon ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa upang hindi na lumobo pa ang bilang ng COVID-19 cases sa siyudad.
“Hangga’t hindi natin naabot ang mass vaccination na ito, na maabot ‘yong ating inaasam na herd immunity ay pabalik-pabalik ito (ang pagtaas ng kaso)—tataas, pababa. ‘Pag medyo na [nawala] ‘yong takot natin, nagiging complacent na naman ang mga mamamayan, ang mga opisyales, tataas na naman ang kaso. Tapos matatapos na naman, mag-i-strict na naman tayo kaya sana, maabot natin ang mass vaccination,” pahayag ni Mayor Lucilo Bayron sa kamakailang press conference kaugnay sa pagsasailalim sa lungsod sa GCQ.
Ayon sa Alkalde, ang objective ng lokal na pamahalaan sa ngayon ay mapanatili ang level ng infection ng COVID-19 sa Lungsod ng Puerto Princesa sa “manageable level.”
Aniya, aminado silang hindi mauubos ang kaso ng COVID-19 sa ngayon ngunit sinsubukan nilang hindi ma-overwhelm ang mga health care facilities gaya ng mga ospital, isolation facilities, at quarantine facilities at maging ang mga health care workers. Ngunit ipinabatid ng Punong Ehekutibo na sa ngayon ay puno na ang mga quarantine facilities.
“Hindi pa naman nangyari na [tulad] sa nangyari sa NCR na nag-aantay ang mga tao na ma-receive. Pero posibleng umabot tayo sa gano’n kung mapapabayaan pa natin ang mga sitwasyong ito—kung hindi magkakaroon ng isang daang pagtutulungan ang lahat ng mga mamamayan ng Lungsod ng Puerto Princesa,” ani Bayron.
Ayon sa opisyal, magmula nang magsimula ang COVID-19 pandemic ay ginawa naman umano ng City Government ang lahat sa pamamagitan ng paggawa ng mga hakbang na hindi makarating sa lungsod ang COVID-19 ngunit sa kabila umano nito ay nakapasok pa rin ang virus, lalo na umano na ang ibang positibo ay walang nararamdamang sintomas.
Tatlong community transmission na rin umano ang nalagpasan ng siyudad. Ngunit iba na ang kasalukuyang community transmission sa lungsod.
“Tatlong beses nangyari iyon. Pero this time, iba ‘yong nangyayari sa Lungsod ng Puerto Princesa, dahil hindi ordinaryong community transmission ito dahil medyo ngayon lang tayo nakasubok na nagkakaroon tayo ng positive na sa isang araw na umaabot na 62; mayroon pa atang 68,” pagbabahagi pa ni Mayor Bayron.
“Mula noong April 12 hanggang April 31, ano lang ‘yon, 19 days, nagkaroon [na] tayo ng suma total na 530 na positive na patients at medyo nababahala tayo dahil pataas na nang pataas ‘yong ating ranking total,” dagdag pa niya.
Base sa datos nitong May 2, mayroong 381 active COVID-19 cases sa Puerto Princesa.
TARGET POPULATION
Ani Bayron, sa estimated population na mula sa City Planning and Development Office, nasa 300,000 ang populasyon ng Puerto Princesa at maibabawas naman dito ang mga nag-e-edad 17 pababa na aabot sa 40% o nasa 120,000 populasyon dahil hindi pa nabigyan ng clearance ang Sinovac at AztraZeneca para ibigay sa mga menor de edad.
Bunsod nito ay 120,000 ang maibabawas sa 300,000 estimated population kaya 180,000 ang dapat mabakunahan upang maabot ang herd immunity. Aniya, pasok dito ang mga taga-lungsod at maging ang mga nagtatrabo rito kahit umuuwi sa mga munisipyo kapag weekend.
At dahil double dose ang dapat ibigay sa mga tao, kailangan ang 360,000 doses of vaccine sa lungsod.
May pauna na naman umanong 3,700 kataong nabakunahan na at iyon ang ibabawas sa target population.
“Ang City Government, nag-down payment na para sa [vaccine ng] 100,000 [katao] o 200,000 doses ng AztraZeneca. So, ang pwedeng bakunahan diyan ay 100,000 na mga mamamayan. So, ang kulang natin ay 176,300 para maabot natin ang 70 percent,” ani Bayron.
PAGTANGGAP NG PUBLIKO SA VACCINE
Sa katanungan naman kung kumusta ang pagtanggap ng vaccine ng komunidad, binanggit ni City Health Officer at in-charge sa vaccination program na si Dr. Panganiban, na para maabot ito ay nagsagawa sila ng mga information, dissemination campaigns sa mga health workers, sa mga senior citizen, sa mga guro, sa lahat ng opisina sa City Hall, sa mga malalaking mall, at iba pang sektor.
Malugod pa niyang ibinalita na sa IMT at City Health Office ay halos lahat umano sila ay nagpabakuna. Si Dr. Dean Palanca aniya ang siyang unang nagpabakuna, umaga pa lamang habang siya ay sa hapon. Parehas na rin umano silang mayroong second dose ng vaccine.
“Kaya lang ang vaccine hesitancy, talagang nandiyan talaga ‘yan. Pero tingin namin, malaki na po ang pinagbago, lalo na ngayong nakita nila na tumataas ang cases, may mga namamatay. Dati hindi mo pa kilala, ngayon kilala mo na—ka-officemate mo sa isang establishment. Nakikita natin ngayon, kahit sa mga senior citizen, ang dami ngang nagtatanong na ‘Dok, kailan mo ba kami bibigyan?” aniya.
Kaya umaasa ang opsiyal na mababago na ang “outlook” ng mga taga-siyudad at magpapabakuna na sila.
“This is the only way out.’ This is the first step to end the pandemic.’ So, dapat mag-succeed tayo rito otherwise, magpapabalik-balik na lang po tayo,” ani Dr. Panganiban.
Itinigil lamang umano nila ang pagbabakuna noong huling linggo ng Abril para sa security and health reason dahil may isang miyembro ng vaccination team na nag-positibo sa COVID-19.
Ngayong linggo ay babalik na rin umano sila sa pagbabakuna kung saan ngayong Lunes ay babalikan nila ang nasa priority group na A1.
Sa Miyerkules naman umano ay itutuloy na ang naudlot na vaccination sa mahigit 200 muslim na tutungong Mecca upang mag-pilgrimage. Nakatanggap aniya sila ng directive sa national government na bakunahan ang nasabing mga indibidwal at nagpadala ng vaccine para sa kanila.
May hinihintay na umano silang paparating na mga bakuna at kapag dumating ay susunod na ang mga senior citizen. Sa Sinovac naman, isasagawa na rin ang para sa second dose dahil may schedule na rin sa darating na mga araw.
Samantala, isa sa paraan para maabot ang herd immunity o ang community immunity ay kapag malaking bilang ng populasyon ay nabakunahan.
Discussion about this post