Naglabas ng pahayag ang bumubuo ng Western Philippines University Supreme Student Council (WPU-SSC) Main Campus sa Bayan ng Aborlan na sila ay naninindigang “hindi dapat hatiin sa tatlong lalawigan ang Palawan.”
“Walang sapat na basehan para hatiin sa tatlo ang Palawan. Una, walang economic study o anumang wastong pag-aaral na ginawa para magpatunayang mayroon ngang benepisyo sa mga Palawenyo ang paghati sa Palawan at ang pagiging mahirap pamahalaan ng lalawigan ay hindi malulutas sa pamamagitan ng paghahati nito. Walang datos, pag-aaral, o basehan na ipinakita na nagsasabing uunlad nga ang lalawigan kung mahahati ito,” ang bahagi ng kanilang pahayag na kanilang ipinaskil sa kanilang social media page Huwebes ng hapon.
Ang ikalawa nilang dahilan kontra sa paghahati — ang pagkakaroon ng mas maraming probinsiya ay makadaragdag lamang sa gastusin ng bansa gaya ng kuryente, tubig, internet, gas, office supplies at equipment, at iba pang overhead expenses.
Madadagdagan din umano ang bilang ng pulitiko na kailangang swelduhan ng bansa, base sa pahayag noon ni Finance Sec. Carlos Dominguez III at iginiit na sa ibang bansa ay pinag-iisa pa nga ang mga lugar upang lumiit ang mga gastusin.
“Mahalagang balikan ang kasaysayan. Ang mga nangangampanya para sa paghati ng lalawigan ay sila ring nagtanggal ng scholarship ng mga mag-aaral ng WPU pagkatapos tutulan ng mga kawani at mag-aaral ng pamantasan ang pagpapatayo ng Coal Power Plant sa Aborlan,” ang tahasan pa nilang katanungan.
“Paano natin pagkakatiwalaan ang pamunuan na ang naging tugon sa pagkakaroon ng sariling pananaw ay pag-aalis sa pag-asa ng mga mag-aaral na makapagtapos at tumaas ang antas sa buhay?” tanong pa ng mga lider-kabataang nag-aaral sa WPU main campus.
Ayon sa kanila, “Hindi na sana pinagtuunan pa ng pansin ang pangangampanya upang hatiin ang lalawigan.”
Anila, ang mas mainam na gugulan ng salapi, oras, at lakas ay ang pagbibigay tulong sa mga lubos na naapektuhan ang kabuhayan ng pandemya, pagbibigay ng sapat na kagamitan at benepisyo sa mga frontliners, pagbili ng sapat na bakuna; pagpapaabot ng tulong-estudyante, partikular sa mga estudyanteng hirap sa online/modular/blended learning; at pag-aaral kung paano palalakasin ang mga ahensiya ng gobyernong panlalawigan at mga munisipyo upang mas makapaglingkod sa mga Palaweño.”
Matandaang ilang taon na rin ang nakalilipas nang personal na inanunsiyo noon ni Palawan Gov. Jose Chaves Alvarez, sa isang aktibidad sa Bayan ng Aborlan, na aalisin niya sa listahan ng scholarship program ng Provincial Government ang mga mag-aaral ng WPU Main Campus na lumahok sa mga protesta laban sa pagtatayo ng planta ng coal sa nasabing munisipyo. Ang pagtatayuan noon ay sa Bgry. San Juan na kalapit lamang sa campus ng WPU-Aborlan.
Discussion about this post