Tahasang sinansala ni Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) Felizardo B. Cayatoc ang mga naunang napabalitang ang pagmimina umano ang siyang pinakasanhi kung kaya’t nagkaroon ng malawakang pagbaha sa bayan ng Brooke’s Point nitong mga nakalipas na buwan.
Sa eksklusibong panayam sa kanya ng mga mamamahayag mula sa Palawan Daily kasama ang isa pang kinatawan ng media, sinabi ni Cayatoc na bilang isang forester, hindi itinuturing na tanging ang pagmimina sa lugar ang siyang pinakadahilan kung kaya’t nagkaroon ng pagbaha sa ilang bayan sa bahaging Sur kamakailan. Ayon kay Cayatoc, ang pagbaha ay nangyayari kahit saang lugar.
“Ang bayan ng Brooke’s Point, kung titingnan natin sa topographic characteristics niya at biophysical ay iba kumpara sa ibang lugar. Sakaling magkaroon ng pag-ulan, nagiging mabilis ang pagbaba ng ulan, at ang lupa na dapat na mag-absorb ng patak ng ulan, ay saturated na. Nahihirapan na itong gawin, bagama’t may tulong din ang mga vegetation para ito ay ma- break. Nguni’t kapag mga open areas, didiretso ito sa mga low land areas,” paliwanag ng PENRO.
Bilang panimulang gagawin, sinabi ni Cayatoc na malaliman nilang pinag- usapan sa Provincial Mining and Regulatory Board (PMRB) na magkaroon ng dredging sa mga ilog.
“Panahon nang magkaroon ng paglilinis ng mga ilog, dahil isa ito sa nagiging sanhi kung kaya’t bumabara ang ilang mga materyales sa gitna ng ilog na siyang pumapantay sa lupa, kung kaya’t kapag nagkaroon ng malakas na agos, ay nagkakaroon ng pagbaha sa mga lugar o nag-ooverflow ang ilog,” pahayag ni Cayatoc.
Dagdag pa niya, isang dahilan pa ay ang mismanagement sa upland areas ng isang lugar, kung kaya’t kailangang magkaroon ng tamang kaalaman at paggamit sa mga terrestrial, protected area, coastal management, community based forest management at mga kahalintulad na kaalaman.
Sa isyu naman ng pagmimina, may mga kaukulang proseso na sinusunod ito na kung saan ang gumaganap ng pag-analisa at pag-monitor ay binubuo ng multisectoral bodies ng iba’t ibang sector na siyang nagtatasa kung mayroong paglabag ang isang minahan.
Sinabi ni Cayatoc, patuloy ang kanilang pagpupulong upang maanalisa ang mga bagay na nangyayari sa ating kapaligiran na siyang nakakaapekto sa lahat ng aspetong pangkalikasan kung kaya’t ang kooperasyon ng local na pamahalaan at mga mamamayan ang siyang kailangan.
Discussion about this post