Inaasahang mas magiging “senior-friendly” ang lungsod matapos pormal na ilatag ng Cheers Global Nursing Homecare ang kanilang plano na magtayo ng isang world-class na retirement facility sa Puerto Princesa City.
Sa naganap na courtesy call nitong Lunes, Pebrero 16, 2026, hinarap ni Mayor Lucilo R. Bayron ang mga kinatawan ng nasabing kumpanya upang talakayin ang proyektong layong magbigay ng de-kalidad na “assisted living” at kalinga para sa mga nakatatanda.
Ang Cheers Global Nursing Homecare ay kilala sa bansa bilang isa sa mga pioneer sa industriya ng nursing homecare. Sa katunayan, ang kumpanyang ito ang kauna-unahang halal-accredited nursing homecare na kinikilala ng Department of Tourism (DOT), na nagbibigay ng holistic na serbisyo hindi lamang para sa mga lokal kundi maging sa mga dayuhang retirado.
Ang ipapanukalang pasilidad sa lungsod ay ibabase sa kanilang matagumpay na modelo sa La Trinidad, Benguet, na pormal na binuksan kamakailan lamang. Ang pasilidad sa Benguet ay tinitingala dahil sa mga modernong kagamitan nito at mga programang nakatuon sa mental, pisikal, at emosyonal na kalusugan ng mga senior citizens.
Ayon sa ulat, hindi lamang simpleng bahay-ampunan ang itatayo kundi isang pasilidad na may “compassionate care” para sa mga retirado. Layunin nito na gawing sentro ng wellness tourism ang Puerto Princesa, kung saan ang mga matatanda ay makatatanggap ng medikal na atensyon habang nasa isang payapang kapaligiran.
Mainit naman itong tinanggap ni Mayor Bayron, na kilala rin sa kanyang mga programang kalinga sa matatanda gaya ng “Forever Young” program. Ayon sa alkalde, malaking tulong ito upang mas mapalakas pa ang sektor ng kalusugan sa lungsod, lalo na’t kamakailan lamang ay binuksan na rin ang operasyon ng bagong City Health Medical Complex sa Barangay Sta. Monica.
Sa oras na maisakatuparan, ang retirement home na ito ay inaasahang magbibigay din ng trabaho sa mga lokal na nurses at caregivers sa Palawan.














