Target umano ng pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa na gawing permanente na ang Night Market sa City Baywalk na pormal na nagbukas nagayong gabi, April 10.
Ayon kay City Tourism Officer Demetrio Alvior Jr., pinag-uusapan na umano nila kasama ang organizer na HER Events Organizing Services at ang grupo ng mga negosyante sa lungsod na gawing tuloy-tuloy ang naturang aktibidad.
“Wino-workout natin na maging permanent na siya,” pahayag ni Alvior sa pagbubukas ng City Night Market ngayong gabi.
“May kinakausap na kaming isang organization ng mga negosyante na tulongan nila itong nag-organize ngayon para maging sustainable na siya,” saad pa niya sa isang interbyu.
Ayon pa sa kanya, magsisilbi rin itong dagdag na atraksyon ng lungsod upang makahikayat ng mas maraming turista, gayundin upang matulungan ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na mapalago ang kanilang negosyo at mapalakas ang night-time economy.
Sa kasalukuyan, tatagal ang Night Market hanggang Abril 24, kasabay ng pagdiriwang ng Pangalipay sa Baybay na gaganapin mula Abril 15 hanggang 18.
Umabot naman sa 50 stall ng iba’t ibang negosyo ang nakilahok sa naturang aktibidad.
Matatandaan na nito lang Marso ay naging matagumpay ang Balayong Festival Night Market na tumagal ng siyam na araw at nakapagtala ng humigit-kumulang ₱5.3 milyong piso na kabuuang kita ng mga nakiisang negosyante.













