Dalawang menor de edad ang agad na binawian ng buhay at siyam naman ang sugatan sa naganap na aksidente sa Sitio Bubulungan, Brgy. Corong-Corong, El Nido, Palawan nitong Miyerkules ng madaling-araw, January 27, 2021.
Sa spot report mula sa El Nido Municipal Police Station (MPS), nakasaad na dead on the spot sa trahedya ang isang 16 na taong gulang na babae at ang 15 taong gulang na lalaki habang sugatan naman ang siyam na iba pa na nag-eedad 14 hanggang 29 taong gulang na pawang mga residente ng nabanggit na lugar.
Sa impormasyon pang ibinahagi ng El Nido PNP, dakong 2:20 am kahapon nang makatanggap ng tawag sa telepono ang kanilang himpilan mula sa supervisor ng Villa Israel Eco Park ukol sa vehicular accident, kung saan tumaob ang isang sasakyan, na naganap malapit sa Villa Israel Resort sa Brgy. Corong-Corong, El Nido, Palawan.
Lumalabas umano sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na minaneho ni John Paul Ramos Pioquinto ang isang itim na Toyota Hilux at tinatahak ang national highway, mula sa town proper papuntang So. Bobulungan, Brgy. Corong Corong. Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay nawalan siya ng kontrol sa manibela at tumama sa kongkretong harang. Agad naman umanong dinala ng mga MDRRMO personnel ang mga biktima sa El Nido Adventist Hospital.
Ayon pa sa mga awtoridad, ang driver na si Pioquinto, 22 taong gulang, binata, unemployed, at residente rin ng Brgy. Corong Corong, El Nido, ay walang naipresentang driver’s license sa mga sandaling iyon. Dahil sa insidente ay dinakip ito at sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng El Nido MPS.
Discussion about this post