Matapos ang pagkakaaresto sa tinaguriang “police asset” na si BJ Montaño nitong Biyernes, Abril 10, kinumpirma ng Agutaya Municipal Police Station (MPS) na nasa ilalim na rin ng kustodiya ng mga awtoridad ang pangunahing suspek na si PSSg Arden Cortez.
Sa isang ipinadalang mensahe, kinumpirma ng Agutaya MPS ngayong Sabado, Abril 11, na si Cortez ay kasalukuyan nang nasa pangangalaga ng Coron Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon ng kanyang kaso.
Sa eksklusibong ulat na inilabas ng Palawan Daily News ngayong umaga, isiniwalat ang detalye ng krimen noong gabi ng Setyembre 6, 2025, kung saan pinasok nina Cortez at Montaño ang tahanan ng biktimang si Ferdinand Abadiano sa Barangay Balala, Culion, Palawan habang nasa impluwensya ng alak. Batay sa source na itinago sa pangalang Robert, tinutukan ng baril at pinagtulungang gulpihin ng mga suspek ang biktima na nagresulta sa kanyang kamatayan dahil sa “traumatic injury sa abdomen,” ‘na nakasaad sa resulta ng autopsy ng NBI Palawan.
Ang paglabas ng warrant of arrest nitong Abril 10 ang nagtapos sa pitong buwang pananahimik ng pamilya Abadiano na una nang naging biktima ng takot dahil sa pagiging aktibong miyembro ng PNP ng pangunahing suspek.
Sa ngayon, kapwa na nahaharap sa proseso ng batas ang dalawang suspek sa Regional Trial Court (RTC) sa Coron para sa kasong homicide. Bukod sa aspetong kriminal, mahaharap din si Cortez sa administrative case sa ilalim ng Palawan Provincial Police Office (PPO).














